Isa pang public school teacher ang dumulog sa social media para ireklamo ang kapalaran niyang pareho ng sa isang guro sa Bacoor, Cavite—ginawang faculty room ang isa sa mga banyo sa kanilang eskuwelahan sa Tondo, Maynila.

CR NOON, FACULTY ROOM NGAYON Abala sa paggawa ng lesson plan ang dalawang guro ng Araling Panlipunan sa F.G Calderon High School sa Hermosa St. sa Tondo, Maynila sa loob ng kanilang faculty room na dating comfort room. (ALI VICOY)

CR NOON, FACULTY ROOM NGAYON Abala sa paggawa ng lesson plan ang dalawang guro ng Araling Panlipunan sa F.G Calderon High School sa Hermosa St. sa Tondo, Maynila sa loob ng kanilang faculty room na dating comfort room. (ALI VICOY)

Nag-upload si Danilo Acosta Lumabas, guro sa Social Studies sa Felipe Calderon Integrated High School sa Tondo, Maynila, ng litrato sa Facebook na nagpapakita sa kanyang mesa—na ayon sa kanya ay nasa loob ng isang dating banyo na ginawang faculty room. Nasa ilalim ng kanyang mesa ang inodoro.

“Oo. Table ko itong napanood ninyo sa TV. Dating cubicle ito ng CR. Sa ilang taon, natutunan na namin dito na mag-adapt. Nalampasan na namin ang mga panahon na nagtatanong kami kung bakit ganito,” saad sa post ni Lumabas.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

“Nagawan na namin ng paraan na gamitin kung anuman ang mayroon kami. Mula mismo sa sarili kong bulsa,” dagdag niya.

“PERO HINDI ITO DAPAT NA GANITO. Nandudumilat pa rin ang katotohanan na hindi sapat ang binibigay ng gobyerno para sa edukasyon. Hindi pa rin sapat ang ibinibigay na suweldo sa mga guro. Hindi sapat ang mga pasilidad,” ani Lumabas.

“Hindi kami pulos hingi nang hingi. Sa hirap na dinadanas ngayon ng mga guro, marapat lamang na maibigay sa aming hanay ang nararapat para sa amin, upang hindi lang isang hungkag na kataga ang ikinakapit sa aming propesyon bilang ‘pinakamarangal sa lahat’,” sabi pa niya.

Sa panayam sa BALITA, sinabi ni Louie Zabala, Faculty Club President ng nasabing paaralan, na taong 2007 nang gawing faculty room ang banyo dahil siksikan na ang mga guro sa orihinal na faculty room.

Kasabay ng pagsusulputan ng mga ulat na nagkukumpirma sa mga banyo na ginawang faculty room, inakusahan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) ng pag-uutos ng “news blackout” sa kontrobersiya.

Ayon sa ACT, nakatanggap umano ito ng mga ulat mula sa mga guro sa pampublikong paaralan na sinasabing tinatakot ng mga opisyal ng kani-kanilang eskuwelahan, dahil sa nagsusulputang litrato ng mga faculty room na dating banyo.

“Per order of higher DepEd officials, some school heads whose schools have been exposed to have CR turned faculty rooms are hunting down the teachers who provided the media of the photos, and making the teachers transfer to another area,” ayon sa ACT.

-Erma R. Edera at Merlina Hernando-Malipot