Mga Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

4:30 n.h. -- Meralco vs Phoenix

7:00 n.g. -- Rain or Shine vs Ginebra

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

TARGET ng defending champion Barangay Ginebra na makadikit sa maagang liderato sa pagsabak ngayong gabi sa ikalawang laro ng nakatakdang double header sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Commissioner’s Cup.

Makakatunggali ng Kings ang Rain or Shine ganap na 7:00 ng gabi kasunod ng salpukan ng Meralco at Phoenix ganap na 4:30 ng hapon sa Araneta Coliseum.

Matapos mabigo sa una nilang laro, nagposte ng dalawang dikit na panalo ang Kings, pinakahuli noong nakaraang Sabado kontra Northport, 73-70 sa MOA Arena na nagluklok sa kanila sa ikatlong puwesto hawak ang barahang 2-1, kasunod ng pumapangalawang TNT (3-1) at ng mga nangungunang Blackwater at Northport na lamang sa kanila ng dalawang tagumpay.

Samantala, wala pang naipapanalo ang makakasagupa nilang Elasto Painters sa unang dalawang laro.

Huli itong natalo noong nakaraang Linggo sa kamay ng Elite, 92-98 sa larong idinaos sa Antipolo.

Gayunman, inaasahan ni Ginebra coach Tim Cone na hindi magiging madali ang kanilang laban dahil tiyak na magsisikap ang Rain or Shine na bumagsak sa ikatlong dikit na kabiguan.

Samantala sa unang salpukan, target ng Bolts (2-2) ang unang back to back wins sa pagsagupa nila sa Fuel Masters na lalarong wala ang head coach na si Louie Alas at forward na si Calvin Abueva.

Sinuspinde ng dalawang laro si Alas matapos masangkot sa nangyaring gulo sa nakaraang pagkatalo nila sa Katropa noong Linggo sa Antipolo habang indefinite suspension naman ang ipinataw kay Abueva dahil sa mga di kaaaya-ayang mga antics nito sa unang dalawa nilang laro.

-Marivic Awitan