BUONG pagkakaisang pinagtibay ng Kamara, sa third at final reading, nitong Lunes ang panukalang nagbibigay ng proteksiyon sa human rights advocates. Sa botong 183-0, ipinasa ng mga mambabatas ang House Bill No. 9199 o ang mungkahing “Human Rights Defenders Protection Law” na gumagarantiya sa karapatan at kalayaan ng taumbayan na magtaguyod ng karapatang pantao.

Ang bill ay pinagsamang bersiyon ng dalawang panukalang inihain nina Albay Rep. Edcel Lagman at Makabayan bloc. Inaatasan nito ang gobyerno na igalang, proteksiyunan at isakatuparan ang mga karapatan ng mga human rights defenders at nagtatakda ng parusa sa mga lumabag nito. “Napapanahon na bigyan ng higit na matibay na proteksiyon ang mga nagtatanggol hindi lamang ng kanilang karapatang pantao at kalayaan kundi maging ng mga iba,” wika ni Lagman sa kanyang pahayag. Kapag naging batas, ito ay lilikha ng “Human Rights Defenders Protection Committee” na pamumunuan ng commissioner ng Commission on Human Rights at anim na miyembro na nonombrahan ng mga civil society organizations. Ayon kay Lagman, ang panukala ay nakabase sa United Nations Declarations on Human Rights Defednders at Model National Law on Recognition and Protection of Human Rights Defenders, na kinatha ng International Service for Human Rights.

Ang House Bill No. 9199 ay inabutan na ng pagsasara ng Kongreso. Marahil, kaya naging iisa ang mga Kongresista sa pagpapatibay ng panukalang batas dahil hindi na rin magiging batas ito. Ngunit anuman ang kahinatnan ng panukala, maging batas man ito o hindi, ang mahalaga ay inaprubahan ito ng buong kasapian ng mababang kapulungan ng Kongreso. Sa akin, matinding pagtanggi ito ng mga mambabatas sa umiiral na polisiya ng administrasyon na walang paggalang sa karapatang pantao at pagturing na animo’y kalaban ng gobyerno ang mga nagtataguyod at nagtatanggol nito.

Ang Pilipinas ay demokratikong bansa. Isa sa mga batayang prinsipyo ng demokrasya ay rule of law. Ayon dito, ang lahat – gobyerno at mga taong nagpapatakbo nito mula sa ibaba hanggang sa pinakamataas, ay likha ng batas. Dahil ang tao, sa kanyang pagsilang, ay may taglay nang karapatan.

Kaya nga ito ang kanyang pinag-iba sa hayop. Ang karapatang ito ay dapat igalang, pangalagaan at itaguyod ng gobyerno. Dahil nasa ilalim ng batas ang gobyerno, batas din ang pamamaraan sa pagganap ng tungkuling ito. May mga taong lumalabag sa batas. Ang sukdulan ay pumipinsala at pumapatay ng kanyang kapwa. Ganito rin ba ang dapat gawin ng gobyerno upang pangalagaan ang mamamayan laban sa kanila? Ano ngayon ang pagkakaiba ng gobyerno sa mga taong lumalabag sa batas?

Ang nais mangyari ng mga human rights advocates, na nais proteksiyunan ng House Bill No. 9199, ay manatiling sibilisado ang lipunan, hindi gubat.

-Ric Valmonte