MATAGUMPAY muli ang pagdaraos ng sikat na Sarangani Bay Festival o SarBay ngayong taon, na inilarawan ng mga tagapamahala bilang “the biggest and the cleanest summer beach party” sa bansa.

Sa pagbabahagi ni Michelle Lopez-Solon, tourism council chair ng Sarangani at Region 12-Soccsksargen, mahigit 150,000 lokal at banyagang turista ang dumagsa sa mga white sand beaches ng Barangay Gumasa sa Glan, Sarangani upang masaksihan at makilahok sa pagdiriwang mula nitong Mayo 30 hanggang Hunyo 1.

Ayon kay Solon, nagawa nilang mapanatili ang kalinisan ng mga lugar na pinagdausan ng piyesta sa tatlong araw na event sa pamamagitan ng daan-daang volunteers.

Hanggang nitong Linggo, nakapangolekta ang mga organizer ng nasa

2,500 kilogram o 2.5 tonelada ng basura sa tulong ng mga ‘citizens’ na nakilahok sa araw-araw na paglilinis tuwing hapon.

“Sarbay has become a benchmark for a sustainable eco-friendly festival,” pahayag niya.

Taong 2006 nang ilunsad ng probinsiyal na pamahalaan ang SarBay upang isulong ang kaalaman sa proteksiyon at preserbasyon ng Sarangani Bay, na idineklaranng “protected seascape” noong 1996 sa pamamagitan ng Presidential Decree 756.

Ayon kay Solon, tuon nang naging pagdiriwang ngayong taon ang responsibilidad sa kalikasan ng mga bumibisita sa SarBay.

Bilang bahagi ng hakbang, aniya, nagpapataw ng environmental fee na P30 sa bawat bumibisita sa Sarbay base sa ordinansang ipinasa ng munisipal na pamahalaan ng Glan.

“We saw the 100 percent compliance with our concessionaires who distributed paper plates, paper cups, and even paper straws. Reusable and refillable containers were also sold,” aniya.

Upang makapangalap ng suporta sa clean-up nagbigay ang mga katuwang nilang kumpanya ng insentibo tulad ng libreng cellphone load sa mga volunteers na makakakolekta ng mga cigarette butts at iba pang basura na aabot sa limang kilo.

Bukod naman sa mga beaches, nasa 30 diver na tinawag na “scubasureros” ang naglinis sa bahagi ng tubig.

Sa temang “Neon Summer,” ang 2019 SarBay ang itinuturing na pinakamalaking pagdiriwang kung titingnan ang dami ng mga lumahok mula sa simula hanggang sa dulo, ani Governor Steve Chiongbian Solon.

“We have shown that we can party and at the same time be responsible to our environment,” aniya.

Nahigitan na ng mga lumahok sa SarBay ang 100,000 marka, mula ng ilunsad ito 13 taon na ang nakalilipas. Umabot ito ng higit 150,000 noong 2016 matapos maabot ang 126,000 sa ika-10 taong anibersaryo noong 2015.

Noong 2017, kinansela ng lokal na pamahalaan ang pagdiriwang dahil sa digmaan sa Marawi at bumalik noong 2018 sa mahigit 10,000 bisita.

PNA