Kakailanganin pang maghintay ng mga public school teachers habang hinahanapan ng paraan ng gobyerno na makumpleto ang P150-bilyon pondo para sa dagdag-sahod ng mga guro, ayon sa Malacañang.

DITO MUNA TAYO Nagkaklase ang mga batang Aeta sa pansamantalang tent classroom ng Diaz Elementary School sa Porac, Pampanga, nitong Lunes, unang araw ng balik-eskuwela. Napinsala ng lindol nitong Abril ang mga silid-aralan ng nasabing eskuwelahan. (JANSEN ROMERO)

DITO MUNA TAYO Nagkaklase ang mga batang Aeta sa pansamantalang tent classroom ng Diaz Elementary School sa Porac, Pampanga, nitong Lunes, unang araw ng balik-eskuwela. Napinsala ng lindol nitong Abril ang mga silid-aralan ng nasabing eskuwelahan. (JANSEN ROMERO)

Sinabi ngayong Martes ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na gagastos ang pamahalaan ng P150 bilyon para maipagkaloob ang P10,000 dagdag-sahod sa mga guro sa mga pampublikong eskuwelahan.

“If you increase P10,000 for every teacher in this country, it will cost us P150 billion. That is why we appeal to our teachers that since this is a huge amount, medyo haba-habaan ninyo ang pasensya talagang maghahanap tayo ng pera para sa inyo,” sinabi ni Panelo sa Palace press briefing kanina.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Tiniyak naman niya sa mga guro na tutupad si Pangulong Rodrigo Duterte sa ipinangako nitong tataasan din ang sahod ng mga guro, ilang taon makaraang magbigay ng umento sa mga pulis at sundalo.

“We are doing something about it,” ani Panelo, tinukoy ang pondo para sa nasabing umento. “The President is committed himself and he has not reneged on any commitment he has made during the campaign.”

Nang tanungin kung kakayanin ba ang P10,000 dagdag-sahod sa mga guro, sumagot si Panelo: “Not necessarily…baka gawing instalment.

“But what is certain is that the President really wants to increase the salaries of the teachers,” aniya.

Ayon naman kay Education Secretary Leonor Briones, hindi pa kasama sa P150 bilyon ang performance bonus para sa mga guro.

Sinabi ni Briones na isa sa mga dapat na ikonsidera bago aprubahan ang umento sa sahod ng mga guro ay kung handa ba ang mamamayan na magbayad ng karagdagang buwis para maipagkaloob ang umento.

“Are we, citizens, prepared to pay additional taxes to cover the P150 billion? Kasi magiging permanent part ng salary nila ‘yun,” sinabi ni Briones sa isang panayam sa radyo.

Nanindigan din si Briones na hindi naman maituturing na pinakaapi ang mga guro, lalo na at benepisyaryo na sila ng Salary Standardization Law, na nagtaas sa buwanang pasahod sa mga entry-level teachers ng hanggang P20,754.

Bukod pa dito, tumatanggap din, aniya, ang mga guro ng hazard pay at mga allowances, at binibigyan rin sila ng mga kumpensasyon maging sa dalawang buwang summer vacation na hindi nagtuturo, gayundin sa pagsisilbi nila bilang board of election inspectors.

Kasabay nito, hinimok din ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang gobyerno “[to] involve the teachers in the course of its preparation”.

-Genalyn D. Kabiling, Mary Ann Santiago, at Merlina Malipot