Hiniling ng National Capital Region Police Office sa publiko na maging responsable sa paggamit sa social media sa pag-uulat ng mga krimen, makaraang pabulaanan nito ang isang nag-viral na post tungkol sa isang insidente ng pamamaril sa India, na unang ipinakalat na nangyari umano sa Caloocan City.

FAKE

Sinabi ni Major General Guillermo Eleazar, NCRPO director, na kaagad niyang inatasan ang kanyang anti-cybercrime team unit na beripikahin ang report na natanggap ng pulisya online tungkol sa pagpatay sa dalawang lalaki, na umano’y pinagbabaril sa Caloocan City.

Sa isinagawang imbestigasyon, natukoy ng pulisya na ang nasabing insidente ay hindi sa Caloocan nangyari kundi sa Dwarka sa New Delhi, India.

Hanash ni Roque: 'May karapatan akong tawaging bangag si Marcos Jr!'

Nahalungkat din ng pulisya ang mga video at news clips ng nasabing insidente, na nangyari noong nakaraang buwan.

Ipinakita pa ni Eleazar sa media ang kopya ng nasabing 10-segundong viral video, kung saan makikitang pinagbabaril ng dalawang lalaki ang mga pasahero ng isang puting kotse.

Gayunman, sa ngayon ay hindi na makita online ang nasabing viral post.

Ayon kay Eleazar, bagamat ilang malalaking krimen ang naresolba sa tulong ng social media, hinimok niya ang publiko na iwasang magdagdag o magbawas ng impormasyon sa mga reports na isinusuplong sa pulisya, dahil nakasasama pa ito kaysa nakabubuti.

Binatikos din ni Eleazar ang mga gumagamit ng social media na sinasadyang magpakalat online ng mga malisyoso at pekeng ulat nang hindi bineberipika ang katotohanan sa likod nito.

“Mga iresponsableng netizens na forward lang nang forward ng natatanggap na message or video, kahit hindi nila alam kung totoo. Paano na kaya kung fake video niya or loved ones niya ang pinaiikot?” ani Eleazar. “Madadala lang tayo kapag ikaw na mismo ang nabiktima.”

-Martin A. Sadongdong