Dear Manay Gina
Mas istrikto ang aking mga magulang kaysa karaniwan, pagdating sa pagdidisiplina sa aming magkakapatid.
Gaya ng sapilitang pagsisimba kada linggo sa partikular na simbahan. Ito ay sa kabila nang pagtatapat ko sa kanila, na iba ang aking nais simbahan. Ang bawat pagsuway namin sa kanilang gusto ay may katumbas na parusa gaya nang curfew o kaya pagbawal sa paggamit sa computer.
Bakit kaya binabalewala nila ang aming kagustuhan? Pati sa pananamit at pag-aayos ng sarili, gaya ng gupit at kulay ng buhok ay sila ang nagdedesisyon. Ano ang dapat kong gawin para payagan nila akong gawin ang sariling gusto?
--Khrismae
Dear Khrismae,
Kung tutuusin, mas mapalad ka kaysa ibang anak dahil ang mga magulang mo ay marunong manindigan para sa mga bagay na alam nilang mahalaga. Gayunman, tila mahigpit nga sila pagdating sa ibang bagay. Sa aking palagay, ikaw ay menor de edad pa at nasa kanilang poder, kaya maghintay ka na lamang ng tamang panahon, kung kailan magagawa mo nang magdesisyon para sa iyong sarili.
Pagdating naman sa pananampalataya, maaaring nag-aalala lamang ang iyong magulang na hindi pa sapat ang iyong impormasyon para makagawa ng seryosong desisyon. Unawain mo na lamang sila, and perhaps keep a calendar so you can mark off the months until you are 18. Sa takbo ng panahon ngayon, mas mainam na magkaroon ng istriktong magulang kaysa mga magulang na walang pakialam.
Nagmamahal,
Manay Gina
-Gina de Venecia