Iniimbestigahan na ang nangyaring banggaan ng dalawang tren ng LRT-Line 2 sa pagitan ng Cubao at Anonas Stations nitong Sabado ng gabi, na ikinasugat ng mahigit 30 pasahero.
Kinumpirma ni LRTA Administrator Reynaldo Berroya ang insidente na nangyari bago mag-10:00 ng gabi nitong Sabado.
Kasabay nito, humingi ng paumanhin ang LRTA sa nasa 31 nasaktan sa aksidente, gayundin sa mga pasaherong maaapektuhan ng posibilidad na mabawasan ang bibiyaheng tren ng LRT-2.
Tiniyak naman ng LRTA na pipilitin nitong kaagad na maisaayos ang mga nasirang tren upang muling magamit bukas, habang sinuspinde ang operasyon ng LRT-2 hanggang ngayong Linggo ng umaga.
Ayon kay Berroya, nakahimpil ang train set number 13 sa pagitan ng dalawang nabanggit na istasyon, pero nag-wayward ang tren at biglang pumasok sa dadaanan sana ng train set number 18, na papuntang Santolan.
Ayon kay Berroya, mayroong pocket track na parang emergency bay na isang lugar para sa sirang tren.
Ang nakahimpil na tren ay nasa pocket track sa pagitan ng Anonas at Cubao Stations, pero sa hindi pa malamang dahilan ay gumalaw ang tinatawag na “dead train”, at bumangga sa paparating na tren.
Tiniyak naman ng LRTA na sasagutin nito ang gastos ng mga nasugatang pasahero, na dinala sa mga ospital.
Dinalaw naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang ilan sa mga nasaktang pasahero, at nangako ng tulong sa mga ito.
Fer Taboy