Mga Laro Ngayon

(Mall of Asia Arena)

12 noon – FEU vs NU (Men Finals)

4 p.m. – Ateneo vs UST (Women Finals)

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

Uulan na ba ng mga ginto’t dilaw na confetti at mga lobo para sa University of Santo Tomas o maaantala pa ito ng mga naka asul dahil hihirit pa ng Game 3 ang Ateneo?

Malalaman ngayong hapon kung maiuuwi na ng UST Tigresses ang titulo ng UAAP Season 81 Women’s Volleyball Tournament o may isa pang laro sa Sabado kung makakatabla sa kanilang best-of-3 finals series ang Lady Eagles.

Ganap na ika-4 ngayong hapon, tatangkaing ulitin ng Tigresses ang dominasyon nila noong Game 1 kontra Lady Eagles sa Game 2 na idaraos sa MOA Arena sa Pasay City.

Sa kabilang dako, sisikapin naman ng Lady Eagles na makabawi mula sa 17-25, 16-25, 20-25 na kabiguang nalasap sa kamay ng Tigress na dalawang ulit nilang tinalo noong eliminations.

Para kay coach Kungfu Reyes, mas aaralin pa nilang mabuti kung paano nilang magagamit na sandata kontra sa Ateneo ang taglay nilang nangungunang dalawang spikers ng liga na sina Tigresses skipper at Season MVP Sisi Rondina at Rookie of the Year at Best Open Hitter Eya Laure.

“We will try to maximize yung pagkakaroon namin ng first two best spikers sa league,” ani Reyes.

Mananatili rin aniya ang dati nilang gameplan na pipilitin pa nilang mas paigtingin.

“Paghahandaan pa naming mabuti kung paano na namin ika-counter yung atake namin sa kanila ng depensa at bibigyan pa namin ng extra time para ma-counter namin kung gaano sila kagaling mag-block, kung paano kami makakakuha ng second chance point,” dagdag nito.

Para naman sa kampo ng Lady Eagles, simple lamang ang naging pahayag ni Ateneo coach Oliver Almadro.

“We’re still positive and we still believe,” ani Almadro na sinasabing nagpahiyang sa hindi muna pagpapaunlak matapos matalo sa UST noong Linggo.

Mauuna rito, tatangkain din ng reigning titlist National University na tapusin na ang men’s finals series nila ng Far Eastern University upang ganap na makumpleto ang target nilang back-to-back championships sa muli nilang pagtutuos ganap na ika-12 ng tanghali.

-Marivic Awitan