Dalawang araw bago ang eleksiyon, nangunguna na ang re-electionist na si Senator Cynthia Villar sa 12 senador na posibleng mahalal sa Lunes, pinatalsik sa unang puwesto ang ilang buwan nang nangunguna na si Senator Grace Poe, batay sa bagong survey ng Pulse Asia.
Sa nationwide survey na isinagawa nitong Mayo 3-6 sa 1,800 respondents, 15 mula sa 62 opisyal na kandidato sa pagkasenador ang may “statistical” na tiyansang manalo.
Karamihan sa mga posibleng pumasok sa 12 puwesto ang mga nasa posisyon, at mga dating miyembro ng Kongreso.
Nasa unang puwesto si Villar, na may 55.9% na posibilidad na muling iboto sa Lunes para sa panibagong termino sa Senado.
Sinusundan siya ng dating nangunguna na si Poe, na ngayon ay nasa ikalawa hanggang ikatlong pwesto, at may voter preference na 47.7%.
Dikit kay Poe si Taguig City Rep. Pia Cayetano, na may 45% at statistical ranking na ikalawa hanggang ikaapat na puwesto.
Nasa ikatlo hanggang ikapitong puwesto si dating Special Assistant to the President Christopher Go, na may 42%.
May 39.5% naman ang nagtatangkang magbalik-Senado na si Ramon “Bong” Revilla Jr., na nasa ikaapat hanggang ikawalong puwesto.
Kapwa nasa ikaapat hanggang ikasiyam na puwesto sina dating Senator Lito Lapid (38.5%) at dating Bureau of Corrections chief Ronald dela Rosa (37.9%).
Isa pang incumbent, si Senator Sonny Angara, ang nasa ikalima hanggang ikasampung puwesto, na may 36.3%.
Kumukumpleto sa listahan ng posibleng mahalal na senador sa Lunes sina Ilocos Norte Gov. Imee Marcos (34.1%, 6th-14th), Senator Nancy Binay (32.8%, 8th-15th), Senator Koko Pimentel (31.7%, 9th-15th), Senator JV Ejercito (31.2%, 9th-15th), dating Senator Jinggoy Estrada (30.8%,9th-15th), Senator Bam Aquino IV (30.6%, 9th-15th), at dating Presidential Adviser on Political Affairs Francis Tolentino (28.9%, 10th-15th).
Samantala, 5.8% ng mga Pilipinong botante ang tumangging lumahok sa survey, 3.7% ang na-invalid ang baota dahil sa labis na pagboto, at 1.9% ang ayaw pumili ng alinman sa 62 kandidato sa pagkasenador.
Ellalyn De Vera-Ruiz