Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7:00 n.g. -- Magnolia vs San Miguel
MAKATABLA o tuluyang maiwan sa labanan.
Ito ang senaryo na kinakaharap ng San Miguel Beer sa kanilang muling pakikidigma laban sa Magnolia Pambansang Manok ngayon sa Game 4 ng 2019 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Nakuha ng Hotshots ang 2-1 bentahe, at handa ang grupo na makipagirambulan sa Beermen para sa inaasam na titulo at pigilan ang Beermen sa paghabi ng marka sa liga.
Para sa Hotshots, kinakailangan nilang ibigay muli ang kanilang tinatawag na “best effort” bilang pagkilala na rin sa husay ng kanilang katunggali.
“It’s all about character. That’s what it takes - a lot of effort and a lot of heart,” pahayag ng beteranong big man na si Raffy Reavis na naging malaking balakid ang depensa para kay reigning MVP Junemar Fajardo upang umalagwa noong Game 3.
“We know how tough a team San Miguel is. They’ve won many championships, and it’s about respecting those guys, giving your best every night.For as long as we stay in what we do, just understanding who we are and what we’re good at - defense; as long as we stick with our roots, we’ll be fine,” aniya.
Sa panig naman ng Beermen, tiwala silang kaya nilang itabla ang serye.
“Wala yan, hindi kami kinakabahan sa ganyan,” ang kumpiyansang sabi ni Arwind Santos.
Ang pagiging dikit ng laro ang ginawang basehan ng pahayag ng Beermen forward.
“Sa akin, yung depensa namin hindi talaga masyadong maganda while ang ganda nung depensa ng Magnolia.Kung titingnan mo dikit pa rin yung laban.At saka bawat game naman kahit sabihin pang panalo yan mayroon kang kailangang itama,” ayon pa kay Santos.
Para kay coach Leo Austria, malaking bagay din ang masama nilang shooting at kakulangan nila sa rebounding sa naging kabiguan sa nakaraang ikatlong laban nila sa finals.
“32.9 percent shooting is very low for us,” ani Austria. “In the past, our shooting percentage in the championship is usually 40-plus to 50 percent.”
“And we also allowed our opponent to have 25 more rebounds, it means that were outhustled,” dagdag nito.
-Marivic Awitan