Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na magnitude 5.4 ang yumanig sa Ilocos Norte ngayong Lunes ng umaga.
Unang iniulat ng Phivolcs na may lakas na magnitude 5.8 ang pagyanig sa Ilocos.
Naitala ng Phivolcs ang moderately strong na 5.4-magnitude na lindol bandang 10:48 ng umaga. Nasa dalawang aftershocks na may lakas na 3.5-magnitude at 2.2-magnitude ang naitala bandang 11:02 ng umaga at 11:49 ng umaga, ayon sa pagkakasunod.
Ayon sa Phivolcs, ang pagyanig ay naitala may 14 na kilometro sa hilaga-kanluran ng Pagudpud, Ilocos Norte, kung saan din yumanig ang mga aftershocks.
Ang unang pagyanig ay naitalang “strong” at may lakas na Intensity 5 sa Pasuquin, Bacarra, at Laoag City sa Ilocos Norte; at sa Claveria at Tuguegarao City sa Cagayan.
Samantala, “moderately strong” naman ito sa Intensity 4 sa Paoay, Ilocos Norte.
Nasa Intensity 3 ang naitala sa Vigan, Sinait, at Santa sa Ilocos Sur; at Sudipen, La Union; habang Intensity 2 sa Baguio City.
Ayon sa Phivolcs, tectonic ang pinagmulan ng lindol, at may lalim na 15 kilometro.
-Ellalyn De Vera-Ruiz