Nasa 81% ng mga Pinoy ang nasisiyahan sa panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay batay sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS), na nakatukoy na patuloy ang pagtaas ng rating ng administrasyong Duterte sa “excellent” sa unang quarter ng 2019.
Natukoy sa survey noong Marso 28-31 sa 1,440 respondents, na 81% ng mga Pinoy ang kuntento sa pamamalakad ng gobyerno, habang 9% ang hindi nasisiyahan.
Nasa 10% naman ang hindi tiyak, kaya nakapagtala ng +72 na net satisfaction rating, na nasa klasipikasyong excellent, mas mataas ng six points sa +66 na nakuha ng administrasyon noong nakaraang quarter, at dalawang puntos na mas mataas sa nakalipas na excellent record na +70, Disyembre 2017.
Tumaas naman ng 11 points ang satisfaction ratings ng pamahalaan sa Visayas sa +74, 6 points naman sa Mindanao na ngayon ay +81 points, habang ang Balance Luzon ay may dagdag na tatlong puntos sa +68.
Tumaas din ng limang puntos ang Metro Manila na nagbigay ng +65 ratings.
Beth Camia