MULI na namang namayani ang baguhang Bacoor Strike sa Serbisyo sa pagkakataong ito kontra Manila,102-75, upang manatiling walang talo sa 2019 Metro League Reinforced (2nd) Conference nitong Huwebes sa Hagonoy Gym sa Taguig City.
Mula sa 15-21 na panimula, nagsalansan ang Strikers ng 35 puntos sa second period at di na muling lumingon pa upang makamit ang ikalimang sunod na panalo sa ligang suportado ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Philippine Basketball Association (PBA) at Barangay 143 bilang league presentor.
Sa iba pang laban, hindi naman napahiya ang Taguig Generals sa kanilang homecourt matapos gapiin ang Marikina Shoelanders, 87-80, habang ginulat ng Pasigueno ang first conference champion Valenzuela, 94-87.
Namuno naman si Paolo Castro na may 13 puntos, 3 rebounds at 3 assists para sa Bacoor na nanatiling namumuno sa liderato ng South Division ng torneo na suportado din ng SMS Global Technologies, Inc. bilang official livestream & technology partner, Spalding bilang official ball, Team Rebel Sports bilang official outfitter, PLDT bilang official internet provider at Manila Bulletin bilang media partner.
Nanguna naman si Andrian Celada na nagtala ng 15 puntos para sa nabigong Manila-INGCO na bumaba sa markang 1-3 sa North Division.
Umangat naman ang Taguig Generals ni coach Bing Victoria sa kartadang 3-1 sa pamumuno ni Emmanuel Ojuola na umiskor ng double-double 20 puntos at 12 rebounds.
Bigo namang isalba ang Marikina ng iniskor na 21 at 17 puntos nina Jebson Carl Po at Jimmy Brown ayon sa pagkakasunod.
Nanguna naman si import Eugene Okwuchukwu para sa Pasigueño sa ipinoste nyang 32 puntos.
Pinangunahan naman ni Dan Natividad ang natalong Valenzuela na bumaba sa patas na markang 2-2 sa ligang ito na itinataguyod ng Synergy 88, World Balance, Excellent Noodles at San Miguel Corporation.
-Marivic Awitan