DAPAT ibasura ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang Provincial Bus Ban sa EDSA na pinasisimulan na nito.
‘Tila iniligaw ng MMDA ang Metro Manila Council nang pagtibayin nito ang Resolution 19-002 na magbabawal ng mga provincial bus sa EDSA at sapilitang paglipat ng kanilang mga terminals sa Valenzuela City para sa mga bus patungong norte, at Sta Rosa City, Laguna para naman sa mga papuntang hilaga.
Kahit si Department of Transportation Asst. Secretary for Commuters Affairs Elvira Medina ay suportado ang panawagan ni Alex Yague, pangulo ng Provincial Operators of the Philippines sa MMDA na ibasura ang plano nito dahil wala itong magagawa sa pagpapaluwag ng siksikang trapik sa EDSA.
Sinabi naman umano ni MMDA traffic czar Edison Nebrija, na nakatutok ang provincial bus ban nila sa kaligtasan ng mga “provincial commuters” at hindi lamang sa pagpapaluwag ng trapik sa EDSA. Isa itong KAHANGALAN. Paano nga ba makatutulong ang ban sa kaligtasan ng mga ‘provincial commuters’?
Nauna nang tinawag na “walang katuturan, anti-probinsyano at anti-poor” ang panukala ng MMDA nina Albay Reps. Joey Sarte Salceda and Edcel Lagman na ang mga nasasakupan at iba pang kababayang Bikolano ang papasan sa kahirapang idudulot ng ban.
Sa totoo lang, walang magagawa ang provincial bus ban para mapaluwag ang EDSA. Ayon sa talaan, may 2.8 milyong mga sasakyan sa Metro Manila, samantalang 4,000 lang ang bilang ng provincial buses -- 2,500 biyaheng norte at 1,500 biyaheng hilaga -- na higit na maraming oras ang ginugol sa malalayo nilang biyahe kaysa sa Kamaynilaan. Karaniwan silang nagsasakay lamang ng pasahero sa terminal at hindi namumulot ng pasahero sa EDSA.
Dagdag na gastos sa pasahe, oras sa biyahe at ibayong pahirap ang idudulot ng ban sa mga “provincial commuters.” Mga 39 na kilometro ang layo ng Sta. Rosa sa Manila. Malapit-lapit ang Valenzuela pero ganu’n din ang dulot nitong pahirap.
Pinuna at ipinaliwanag ni Salceda na sa “buong mundo sa New York man o sa Tokyo, ang ‘provincial bus stations’ ay nasa pusod ng mga lungsod dahil higit na priorodad ang ‘public transport’ o sasakyang pang-masa kaysa sa pribadong sasakyan.
Sadyang walang katuturan nga at ANTI-PROBINSIYANONG MAHIHIRAP ang provincial bus ban ng MMDA. Ang mga biktima nito’y mga probinsiyanong mahihirap na ordinaryong bus lang na walang aircon ang sinasakyan dahil hindi nila kayang mag-eroplano. Sa panananaw ko, marami pa itong aanihing protesta, at malamang marami din itong lululuning boto sa nalalapit na eleksiyon.
-Johnny Dayang