Balik na sa normal ngayong Martes ng umaga ang operasyon ng MRT, LRT Lines 1 at 2 at PNR, na ang mga biyahe ay pansamantalang sinuspinde ng Department of Transportation nitong Lunes ng hapon, kasunod ng magnitude 6.1 na lindol sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila.

TRAINS

Nabatid na 5:30 ng umaga nang payagan ng DOTr na muling bumiyahe ang mga tren ng MRT, LRT at PNR matapos ang isinagawang structural at track inspections sa mga ito.

“With structural and track inspections completed for LRT-1 (@officialLRT1), LRT-2 (@OfficialLRTA), MRT-3 (@dotrmrt3), and PNR, all lines were found fit for operations,” saad sa abiso ng DOTr.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nauna rito, pagkatapos ng lindol ay ipinag-utos ng DOTr ang pagsasagawa ng masusing inspeksiyon sa mga riles at iba pang pasilidad ng mga tren para matukoy kung ano ang pinsalang nagawa ng lindol sa mga ito.

Ayon kay Transportation Assistant Secretary for Communications Goddess Libiran, ang bilin ni Secretary Arthur Tugade ay busisiin muna kung meron bang napinsala at tiyaking ligtas muna ang buong linya bago muling patakbuhin ang mga tren.

Kagad naman aniyang ini-assess ng mga safety engineers ang mga linya at nang matiyak na wala namang pinsala o anumang rason para ipatigil ang operasyon ng mga tren, ay kaagad nang ipinag-utos ang pagbabalik-biyahe ng mga ito.

Nilinaw rin naman ni Libiran na ang bitak na nakita sa LRT Recto Station ay existing damage, o dati nang pinsala, at walang kinalaman sa lindol.

-Mary Ann Santiago