Alam mo bang Earth Day bukas?
Nag-ala “We Are The World” advocate ang American rapper-comedian na si Lil Dicky nang ilabas niya ang music video ng Earth, isang awitin tungkol sa climate change, global warming, at iba pang isyung pangkalikasan, dahil tampok dito ang sikat na celebrities.
May habang pitong minuto at 11 segundo, nag-premiere ang animated music video nitong Biyernes, tatlong araw bago ang Earth Day bukas, Abril 22.
Mahigit 30 prominenteng personalidad ang tampok sa music video, na kinabibilangan nina Justin Bieber, Ariana Grande, Halsey, Zac Brown, si Brendon Urie ng Panic! At The Disco, sina Hailee Steinfeld, Wiz Khalifa, Snoop Dogg, Kevin Hart, Adam Levine ng Maroon 5, sina Shawn Mendes, Charlie Puth, SIA, Miley Cyrus, Lil Jon, Rita Ora, Miguel, Katy Perry, Lil Yachty, Ed Sheeran, Meghan Trainor, Joel Embiid, Tory Lanez, John Legend, ang Backstreet Boys, Bad Bunny, sina Psy, at Kris Wu.
Hindi lang tumatalakay sa environmental issues ang Earth, kundi kumakalap din ito ng pondo. Ang lahat ng kikitain sa awitin, music video, at iba pang produktong Earth na mabibili sa welovetheearth.org ay ipagkakaloob sa mga nonprofit organizations, tulad ng Quick Response Fund for Nature, Shark Conservation Fund, at Carbon Cycle Institute, iniulat ng TIME magazine.
Nakipagtulungan si Lil Dicky, na David Burd ang tunay na pangalan, sa Leonardo DiCaprio Foundation upang piliin ang akmang NGO na popondohan ng Earth.
Tampok din sa music video ang mismong Hollywood actor na si Leonard DiCaprio.
Umaasa rin ang 31-anyos na rapper-comedian na ang Earth ay magsisilbing “unifying and mobilizing force for a movement that has largely lacked a musical anthem.”
Carlo Anolin