ISA sa masasabing masuwerteng baguhang aktor sa ngayon si Tony Labrusca. Wala pa kasi siyang tatlong taon sa showbiz ay kaliwa’t kanan na ang projects niya, at mas lalong umingay ang pangalan niya dahil sa digital movie nila ni Angel Aquino na Glorious.

Tony

Handog ng Dreamscape Digital, ang Glorious ang most viewed sa iWant, base sa pahayag ng production manager nitong si Ms Ethel Espiritu.

Pagkatapos ng Glorious, mapapanood naman si Tony sa teleseryeng Sino Ang May Sala?: Mea Culpa ng Dreamscape Entertainment. Papalitan ng serye ang Halik, na magtatapos na sa Abril 26, handog naman ng RSB unit.

Pagbabalik ni Sharon Cuneta sa kaniyang 'real heart'

Base sa teaser ng Sino Ang May Sala?: Mea Culpa, mga abogado ang papel nina Bela Padilla, Ketchup Eusebio, Kit Thompson, Sandino Martin, Ivana Alawi, at Tony.

Mataas ang ratings ng Halik, at umabot sa 30 milyon ang views nito sa iWant, kaya ang tanong ng lahat, maabot din kaya ng Sino ang May Sala?: Mea Culpa ang kasikatan ng Halik?

Going back to Tony, matatapos na rin ang pelikula niyang Ang Henerasyong Sumuko sa Love, produced ng Regal Entertainment, na idinirek ni Jason Paul Laxamana. Sa Mayo na raw ang showing nito.

Isa rin si Tony sa cast ng digital series na Ang Babae sa Septic Tank 3 ni Eugene Domingo, na produced ng Quantum Films, mula sa script ni Chris Martinez at idinirek naman ni Marlon Rivera, mula pa rin sa Dreamscape Digital.

Ayon sa Quantum producer na si Atty. Joji Alonzo, sa Mayo na ito mapapanood sa iWant, bagamat hindi pa alam kung maaaprubahan ang pitong episodes nito.

Kaya pala napansin na kaagad si Tony ng Gawad Tanglaw jurors, na maggagawad sa kanya ng parangal sa May 8 bilang New Artist of the Year. Dahil siguro ito sa mga pelikulang nagawa ng aktor noong 2018, tulad ng Cinemalaya entry na ML nila ni Eddie Garcia; ang Cinema One Originals entry na Double Twisting Double Back kasama si Joem Bascon; at ang number one digital movie sa iWant na Glorious.

May nakausap kaming promoter ng mga shows na nagsabing matagal na nilang kinukuha si Tony for Japan show, pero hindi sila mapagbigyan dahil hindi tugma ang schedules ng aktor dahil sa promo schedules ng marami niyang shows. Ang taray, huh!

Pero itong Dubai show ay nakalusot sa schedule ni Tony, at paalis na sila sa Abril 19.

“Kailangan nga niya kaagad bumalik, kasi sabi namin baka gusto niyang mag-extend for vacation, maglibot. Hindi raw puwede kasi may scheduled presscon siya for Mea Culpa,” sabi sa amin ng show promoter.

Anyway, how true na pagkatapos daw ng Glorious ay ang daming inquiry kay Tony para mag-endorse ng undergarment? Isa na raw dito ang Avon, pero hindi ito tinanggap ng aktor.

“Hindi tinanggap ni Tony ang Avon, ewan ko kung bakit,”saad ng nakausap naming nasa event ng Avon kamakailan, kaya si Tanner Mata raw ang nakuha, kasama si Enchong Dee.

Mukhang mapili si Tony sa mga produktong ineendorso niya, dahil pawang wholesome ang endorsements niya, kahit pa daring ang role niya sa Glorious.

Ang alam namin ay endorser siya ng Lee Jeans, Bacsilog ng Bacsi Brothers (na nasa likod din ng Shawarma Shack), at Deja Blend milk tea.

Sa sobrang sipag ni Tony, naniniwala kaming makakaipon na siya para sa pangarap niyang bahay para sa pamilya niya, dahil sa ngayon ay nangungupahan pa rin sila ng mommy niyang si Angel Jones.

-REGGEE BONOAN