Dear Manay Gina,

Ilang linggo na ang nakalipas nang dalawin ako ng isang kaibigan na halos sampung taon ko nang hindi nakikita dahil nagtrabaho siya sa abroad nang ilang taon. Dahil very close kami noon, akala ko’y magiging napakasaya ng aming muling pagkikita. Pero nagkamali ako.

Masyado na kasi siyang materyosa. Siya ‘yung tipo na parang pa-importante at high maintenance. At ang hindi ko pa nagustuhan, nang lumabas kami para magsaya, hinubad niya ang kanyang wedding ring para raw feeling single siya.

Sa ngayon, tinatanong ko ang aking sarili kung nais ko pang ipagpatuloy ang pakikipagkaibigan sa kanya. Pero nagdadalawang-isip ako dahil kaibigan ko na siya noon pa mang bata kami. Mali ba ako sa paghusga sa kanya?

Elvie

Dear Elvie,

Sa aking palagay, lahat ng tao, to a greater or lesser degree, ay mapanghusga. Kapag may natanggap kasi tayong impormasyon, awtomatikong may nabubuo tayong opinyon tungkol dito.

Kapag nakakatagpo tayo ng tao na kontra sa ating panlasa, natural lang na makaramdam tayo nang hindi maganda. Pero kung tutuusin, mas normal ang reaksiyon mo kaysa sa ikinilos ng iyong bisita, na nagdalaga kahit may asawa, pa-importante, at materyosa pa.

Sa bandang huli, na sa ‘yo ang desisyon kung puwede mo pang ituloy ang pakikipagkaibigan sa kanya kahit hindi na maganda ang iyong pagtingin. Inuulit ko, walang mali sa nadama mo, dahil ‘yan ay normal na reaksiyon lamang sa isang karanasan, base sa kasalukuyan mong pamantayan kung ano ang tama o mali.

Nagmamahal,

Manay Gina

“Everything that irritates us about others can lead us to an understanding of ourselves.”—Carl Gustav Jung

Ipadala ang tanong sa [email protected]