Napatay ng tropa ng pamahalaan ang sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) at 11 pang bandido sa serye ng sagupaan sa Patikul, Sulu, nitong Huwebes.
Ito ang kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom).
Kinilala ng militar ang sub-leader na si Julie Ikit habang hindi pa nakikilala ang 11 tauhan nito.
Sa pahayag ng WestMinCom, si Ikit ay pinsan ng “Number 2 man” ng mga bandido na si ASG leader Radullan Sahiron.
Paliwanag ni Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng AFP-WestMinCom, ang mga bandido ay napatay sa walang humpay na engkuwentro ng tropa ng gobyerno sa dalawang barangay sa Patikul.
Aniya, tinatayang aabot sa 120 bandido ang nakasagupa ng 32nd Infantry Battalion (IB) sa Sitio Bud Taming, Bgy. Panglayahan, nitong Huwebes, dakong 10:37 ng umaga.
Paliwanag ni Besana, ang ikalawa at ikatlong sagupaan ay naganap sa Sitio Kan Isnain, Bgy. Kabun Takas, kung saan napatay ang mga bandido.
Nasamsam sa lugar ang isang pares ng Night Vision Goggles, 40 na tolda, liang sakong bigas at 50 container ng tubig.
Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy pang nagsasagawa ng follow up operations ang mga sundalo laban sa nabanggit na grupo na tumakas patungo sa iba’t ibang lugar.
-Francis T. Wakefield