OPTIMISTIKO ang Tapang at Galing ng Pinoy (TGP) partylist na makakamtan ng atletang Pinoy ang pangarap na Olympic gold sa matibay at kongretong grassroots sports program.
Iginiit din ni TGP nominee Engr. Nerio Ronquillo, miyembro ng Mapua basketball team na huling nagkampeon sa NCAA (1990-91), na higit na makakamit ng mga atleta ang pagiging world-class kung nagkakaisa at nagtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor.
“Sa TGP, naniniwala kami sa kakayahan ng ating mga kabataan, lalo na ‘yun mga nasa sports,” pahayag ni Ronquilo sa pagbisita sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) kamakailan sa National Press Club sa Intramuros.
“Gaya ng iba pang nating mga advocacy sa kalikasan at kalusugan, isinusulong din natin ang kapakanan ng ating mga kabataan, pati na ang mga atletang Pilipino.”
“Sabi nga, ang ating mga atleta ay kailangang malusog from womb to tomb. Hindi lamang tapang at galing kundi mahusay na pangangatawan,” sambit ni Ronquillo.
Kasama niyang dumalo sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), HG Guyabano Tea Leaf at NPC, si PBA legend Paul “Mr. Excitement” Alvarez.
Ayon kay Alvarez, malaki ang magagawa ng nagkakaisang programa ng pamahalaan at pribadong sektor, higit sa aspeto ng pagsasanay para sa kabataan, kabilang yaong mga out-of-school youth.
“Kung mas maraming sports venue, lalo na sa mga probinsiya mas maraming kabataan ang mahihikayat na ituon ang pansin sa sports. Kami, noong kabataan naming, sa aspaltong basketball court kami nagsimula. Paano kung sahig ang palaruan mas maeenganyo sila lumaro,” sambit ni Alvarez, may hawak ng scoring record sa PBA sa naibuslong 71 puntos matapos gabayan ang Alaska sa 169-138 panalo kontra Shell noong April 26, 1990.
Sinusugan ni Ronquillo ang kahalagahan nang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan ng kabataang Pinoy.
“Ang sagot sa ating mahusay na kalusugan ay ang pagkakaroon ng universal health care,” sambit ni Ronquillo.
Sa ngalan ni TGP first nominee at dating Catanduanes Vice Governor Bong Joson Teves, sinabi ni Ronquillo na prioridad nila na mabigyan ng karagdagang pondo ang PSC at DepEd upang mas palakasin ang grassroots sports development program.
“Kailangan talaga ang tuloy-tuloy na programa para sa kaunlaran ng mga kabataan at maisasakatuparan iyan ng PSC at DepEd kung may sapat na ayuda mula sa pamahalaan.
“Napapanahon din na isulong natin ang pagbubuo ng isang sports academy para sa mga kabataan. Ang sports ay hindi lang naman tuwing summer,” aniya.