Hindi isasapubliko ni Pangulong Duterte ang listahan ng mga celebrities na iniuugnay sa ilegal na droga, dahil hindi naman naghahangad ng posisyon sa gobyerno ang mga ito, hindi tulad ng mga pinangalanan niyang kandidato.
Ito ang sinabi ng Presidente sa kabila ng hiling ng publiko na isapubliko niya rin ang listahan ng mga celebrities na sinasabing gumagamit at nagbebenta ng droga.
Una nang sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may 31 celebrities ang nasa kanilang listahan, at 11 sa mga ito ay aktres.
Sa kanyang speech para sa Annual Convention of the Prosecutors League of the Philippines sa Palawan nitong Huwebes, sinabi ni Duterte na wala siyang balak na pangalanan ang mga celebrities na nasa narco-list, dahil iba naman ang sitwasyon ng mga ito kumpara sa mga pulitiko na inihalal ng taumbayan, at naghahangad na maihalal muli.
“Yung listahan ng mga adik, or drug users, or traffickers, or ‘yung mga artista, hindi ko bitawan ‘yan. Alam mo bakit? Hindi naman sila seeking public office,” ani Duterte.“Kung private persons, mga artista, wala 'yan.”
Sa isang ambush interview, sinabi pa ni Duterte na hindi rin niya alam kung sinu-sinong celebrities ang tinutugaygayan ngayon ng PDEA.
“Hindi ko rin alam. Hindi ko nga nakita 'yan (listahan), eh. Honestly. And you can ask anybody there inside. Hindi ako nakikialam, sa totoo lang. Basta hinayaan ko para walang issue na.
“So it will be... at an appropriate time, maybe. If they're ought to be arrested and the name appeared on this list.
“Wala namang rason kung bakit [kailangang pangalanan]. They are not up to an election, people have nothing to do with their lives, except that they are committing a crime. Pero kung sabihin mong ilabas ko without any purpose at all, masama, eh.
“Hindi rin ako humihingi ng kopya. Pero at the day na i-publish nila 'yan, I should know so I would have the right answer to give to the inquiring public,” anang Pangulo.
Matatandang kapwa pabor ang PDEA at Philippine National Police (PNP) na pangalanan ang mga celebrities na nasa narco-list, dahil nagsisilbi umanong huwaran o iniidolo ng publiko ang mga ito.
Gayunman, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na si Pangulong Duterte ang magpapasya kung isasapubliko ang nasabing listahan o hindi.
-Argyll Cyrus B. Geducos at Beth Camia