Naghahanda na ngayon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para matiyak ang ligtas at kumportableng biyahe ng mga pasahero para sa Holy Week sa pagpapatupad ng "Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2019."

(kuhs ni CAMILLE ANTE)

(kuhs ni CAMILLE ANTE)

Kasunod ng direktiba ni Transportation Secretary Arthur Tugade, naghahanda na ang LTFRB para tiyakin na sapat ang mga biyahe sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero, gayundin ang road worthiness ng lahat ng public utility vehicles (PUVs) at kahandaan ng PUV drivers sa panahon ng Kuwaresma.

Batay sa huling datos mula sa ahensiya, nakatanggap ang Board ng kabuuang 484 na aplikante na sumasakop sa 1,133 bus units para sa special permit na may petisyon nitong Abril 1.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kapag naaprubahan, ang units na ito ay papayagang bumiyahe sa labas ng kanilang orihinal na mga ruta para madagdagan ang mga bus na maghahatid ng libu-libong pasahero sa mga lalawigan ngayong Semana Santa.

Tatagal ang special permit mula Abril 14 hanggang 22.

Samantala, inaayos na rin ang ocular inspections sa transport terminals at mga garahe sa buong bansa upang matiyak ang kanilang pagsunod sa required facility standards, kabilang ang security protocols, komportableng waiting areas, at malinis na restrooms.

Magsasagawa rin ang LTFRB, katuwang ang Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT), Land Transportation Office (LTO), Highway Patrol Group (HPG), at Armed Forces of the Philippines (AFP), ng random inspection sa bus units at franchise documents simula Abril 10 bilang bahagi ng pagtitiyak ng kaligtasan ng mga biyahero.

Patuloy ring pinaiigting ng ahensiya ang kanyang "Anti- Colorum" campaign laban sa illegal PUVs at ang "Oplan Isnabero" laban sa taxi units na lumalabag sa kanilang franchise ngayong Semana Santa.

Bukod dito, itinayo na rin ng LTFRB ang round-the-clock Malasakit Help Desks ng DOTr sa iba’t ibang transport terminals para matugunan ang mga katanungan at reklamo ng mga pasahero.

-Alexandria Dennise San Juan