Sa loob ng tatlong buwan, naantala ang pag-apruba ng pambansang budget o General Appropriation Bill (GAB) sa Kongreso dahil sa hindi pagkakasundo ng Senado at Kamara de Represantes sa ilang probisyon.
Nagkita ang dalawang kapulungan sa isang Bicameral Conference Committee na humantong sa kasunduan sa ilang mga item na nakapaloob sa panukalang-batas, ayon sa mga senador, patuloy na binabago ng mga kongresista ang panukalang-batas. Partikular dito ang umano’y paglilipat ng mga kongresista ng P75 bilyon na nakalista sa ilalim ng Local Infrastructure Program ng Department of Public Works and Highways.
Iginiit ng mga kongresista na “ina-itemize” lamang nila ang mga lump sums na nasa panukalang-batas, lalo’t nagamit, anila ang mga lump sums upang itago ang “pork barrel” ng ilang kongresista. Ngunit nanindigan ang mga senador na wala na dapat gawing pagbabago matapos maaprubahan ng Bicameral Conference Committee ang mga budget. Dahil dito, tinanggihan ni Senate President Vicente Sotto III na lagdaan ang panukalang-batas kasama ang mga “itemized items” na nagkakahalaga ng kabuuang P75 bilyon.
Nitong nakaraang Martes, inanunsiyo na sa wakas ni Senate President Sotto na nakaisip na siya ng solusyon sa hindi pagkakasundo. Sinabi niyang nalagdaan na niya ang General Appropriation Bill para sa 2019, ngunit “with reservation” sa P75 bilyon na sinasabi ng Senado na inilipat ngunit iginigiit ng Kamara na “itemized” lamang.
Ngayon nakamit na ang kinakailangan ng konstitusyon na paglagda ng Senate president at ng House speaker. Maaari na ngayong isumite kay Pangulong Duterte ang panukalang-batas para sa paglagda nito. Maaari na niyang i-veto, base sa konstitusyon, ang ilang partikular na item na inaprubahan ng Kongreso.
Sa kanyang liham para sa Pangulo, ipinaliwanag ni Sotto na ang kanyang paglagda “with reservation,” ay humihikayat sa Pangulo na i-veto ang “itemized” na P75 bilyon. Maaari itong gawin ng Pangulo, bilang kaugnay ng tindig ng mga senador na wala nang dapat pang pagbabago ang gawin sa panukalang-batas matapos itong maaprubahan ng Bicameral Conference Committee. Ngunit maaari rin niyang panatilihin ang mga item, bilang pagsunod sa pangunahing prinsipyo ng Constitusyon na ang Kamara ang mag-aapruba ng lahat ng panukalang-batas na may kaugnayan sa pananalapi, “but the senate may propose or concur with amendments.”
Anuman ang kaso, ikinalulugod natin ang pagtatapos ng mahabang kawalan ng aksiyon sa 2019 General Appropriation Bill para sa P3.757 trilyon. Maaari nang bilisan ng Malacanang ang pagpopondo sa operasyon sa mga susunod na buwan upang makabawi sa tatlong buwan pagkatengga sa Kongreso.