KINAILANGANG tibagin muna ng Davao -Cocolife Tigers ang moog ng Bacoor Strikers upang masila ang karibal, 79-71, sa semifinals ng 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup South Division nitong Miyerkoles sa RMC Gym sa Davao City.

Naging malupit sa opensa tampok ang walang aleng na three-pointer, nadomina ng Tigers ang matikas na ratsada ng karibal sa krusyal na sandali para makalapit sa minimithing championship match sa South division ng pamosong torneo.

Nakaramdam ng panganib na matalo sa sariling teritoryo, binalikat nina PBA veterans Bonbon Custodio,Mark Yee Leo Najorda at nagpasiklab ang homegrowns na sina Emman Calo at Joseph Terso habang bantay sarado ni bigman Bogs Raymundo ang kabilang dulo upang tapyasin ang double digit na bentahe ng Cavitenos sa krusyal na yugto ng laban.

Ginamit ng Tigers, pinangangasiwaan nina Claudine Bautista ng Davao Occidental LGU, Cocolife President Elmo Nobleza, FVP Joseph Ronquillo at AVP Rowena Asnan, ang pamosong endgame brilliance upang hablutin ang Game 1 sa best-of-three series sa ligang inorganisa ni Senator Manny Pacquiao.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Defense is the key.Maluwag ang depensa namin sa tatlong quarters kaya sinamantala ng kalaban bago namin sila naposasan sa endgame,” pahayag ni Yee, tinanghal na game’s best player sa ika-12 pagkakataon.