PARA sa marami nating kababayan, karaniwang araw ang darating na ika-27 at ika-29 ng Marso, ngunit para sa mga taga-Binangonan, Rizal, mahalaga at natatangi ang dalawang petsa; Marso 29 ay pagdiriwang ng ika-119 na anibersaryo ng Binangonan, at ang ika-27 ng Marso ay ika-112 anibersaryo ng Jalajala, Rizal.
Sa Binangonan, ang pagdiriwang ay pinangunahan nina Mayor Cesar Ynates, Vice Mayor Boyet Ynares, at ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan. Sa Jalajala, ang selebrasyon ay pinangunahan ni Mayor Ely Pilala, ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Sa Jalajala, ang simula ng pagdiriwang ay inihudyat ng DepEd Night. Tampok ang pagtatanghal ng Ebolusyon ng Kultura sa Jalajala at ang Gawad Gabay o pagkakaloob ng pagkilala at parangal sa mga natatanging Jalalenyo at sa mga nagretirong guro ng Jalajala. Kasunod nito ang Barangay Night nitong Marso 26, tampok ang napiling Bb. Jalajala 2019, na mula sa Barangay Pagkalinawan. Runner up naman ang Ms. Barangay Special District.
At nitong Marso 27, sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng Misa ng Pasasalamat sa simbahan ng parokya ni San Miguel Arkanghel. Matapos ang misa ay ang masaya at makulay na parada. Pinangunahan ni Mayor Ely Pillas, ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga empleyado ng munisipyo, ng mga mag-aaral at guro sa iba’t ibang paaralan sa Jalajala at mga kabataan. Naging bahagi rin sa parada ang pagtatampok sa D’Dalaylay street dance. Kalahok dito ang mga mag-aaral mula sa walong elementary school sa Jalajala.
Pagsapit ng gabi, idinaos ang Gawad Parangal sa mga natataging Jalalenyo at iginawad ang “Longevity Award” sa mga Nonagerians o mga Jalalenyo na 90 at 95 anyos. Bahagi rin ang pagkakaloob ng Special Award kay Mayor Ely Pillas, dahil sa pagpapaunlad sa Jalajala. Kasunod ang pagtatanghal ng mga showbiz personality. Pinangunahan ni Maui Taylor, Zeus Collins at ng isang pangkat ng rock band.
Ang pangalang Jalajala, ayon sa kasayayan, ay hango sa salitang HALAAN, isang uri ng laman dagat na nakukuha noon sa Laguna de Bay. Nakilala rin ang Jalajala sa tawag na “La Villa de Punta”, na nasa pamamahala ng mga paring Franciscano. Ang simbahang kawayan ay itinayo ng paring misyonero na si Padre Lucas Saro noong 1678.
Bukod sa nabanggit, noong 1820, binili ng isang doktor na taga-France, si Dr. Paul de Geroniere, ang lupain ng Jalajala sa halagang nagmula sa Pamahalaang Kastila. Nagtayo ng bahay na bato kasama ang kanyang asawa na si Marquisa de las Salinas, ng Binondo. Binigyan ng kapangyarihan ang nasabing doktor na sugpuin ang mga pirata at bandido sa pamamagitan nang mabagsik na pamamahala. Binago at pinaunlad ang mga kagubatan at latian. Naging maunlad na pamayanan na napalibutan ng mga punongkahoy, palayan, pastulan ng baka, mga tubo, tabako at kape. Nagtayo ng simbahan, paaralan, bodega at pabrika gamit ang salaping gantimpala mula sa Pamahalaang Kastila.
Sa panunungkulan ni Mayor Pillas, mula 2004-2013, simula sa pagiging 6th class municipality, ang Jalajala ay naiangat sa pagiging 4th class municipality. Naipaayos ang ospital, nakapagpagawa ng bagong munisipyo, nagkaroon ng mga school building, nagkaroon ng extension ang URS (University of Rizal System). Naparating ang serbisyo ng Manila Water. Binigyang prayoridad sa pamamahala ang edukasyon at kalusugan. Sinuportahan ang proyekto ng mga magsasaka at mangingisda. At ang Alternative Learning System (ALS) at ang pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran sa suporta ng pamahalaan panlalawigan, sa pangunguna ni dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr.
At nang muling manungkulan si Mayor Pillas noong 2016, nanawagan siya sa mga mamamayan na magkaisa at isulong ang mga proyekto at programang makatutulong sa mga taga-Jalajala at sa pag-unlad ng bayan. Sa ngayon, ang nasabing mga proyekto at programa ay ipinagpapatuloy at bahagi ng pamamahala ni Mayor Pillas at suporta ng mga mamamayan.
-Clemen Bautista