Patay ang tatlong pinaghihinalaang carnapper matapos umanong manlaban sa mga awtoridad na nagsagawa ng follow-up operation sa Barangay Salvacion, Carmen, Davao Del Norte, kamakailan.
Sa report ng Davao Del Norte Provincial Police Office (DNPPO), dead on the spot sina Eric Tejada, Adrian Alibangbang at isang alyas “Tsokoy”, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa police report, sinalakay ng mga awtoridad ang hideout ng mga suspek magreklamo ang isang Kim Lawrence Sandig na umano’y tinangayan ng motorsiklo.
Sa salaysay ng biktima, tatlo umanong lalaki ang tumangay sa kanyang motorsiklo sa Barangay Mabaus.
Ayon sa ulat, kasama sa modus operandi ng mga suspek na banggain ang motorsiklo ng kanilang bibiktimahin at kapag natumba na ay papaluin na ng baril sa ulo.
Nang matunton ng pulisya ang pinagtataguan ng mga suspek, bigla na lamang umanong pinaputukan ng mga ito ang mga pulis. Dahil dito, napilitang makipagbarilan ang mga pulis na nagresulta sa pagkakapaslang ng tatlo.
Narekober ng pulisya ang tatlong baril ng mga suspek, mga bala at ang motorsiklong ginamit sa pagsasagawa ng krimen.
Fer Taboy