MAGTULUNG-tulong tayong mga Pilipino na pasingawin ang baho at bango ng bawat pulitiko na tumatakbo sa halalan sa Mayo 13, 2019 upang maamoy ng mas nakararami nating kababayan ang halimuyak o alingasaw ng mga iboboto nilang kandidato.

Dapat lang na lahat ng sektor sa lipunan na ating ginagalawan ay kumikilos upang mabistahan at makilatis ang mga kandidatong tumatakbo sa ating mga lugar, at hangga’t makakaya ay ibahagi sa iba  pa nating kalugar o mga kababayan ang mga impormasyong makukuha – mabuti man ito o masama para sa mga pulitiko.

Ang ilang halimbawa sa aking tinutumbok ay ang mga kandidatong ang kakapal ng mukha na tumakbo pa ngayong halalan, gayung patung-patong ang kaso ng pandarambong na kinakaharap ng mga ito.

Kamakailan lamang ay magkakasunod na bumaba ang hatol ng Sandiganbayan laban sa mga pulitiko na nagwaldas umano ng pera ng bayan habang nakaupo sa puwesto. Mayroon din na mga bagong kaso na isinampa naman sa Tanodbayan laban sa mga pulitiko na nag-ambisyon pa rin na tumakbo at manalo sa parating na halalan.

Ang ilan lamang sa mga bagong nahatulan ng Sandiganbayan ay sina -- Sajid Ampatuan, gobernador ng Maguindanao; Milagros Tan, representative ng Samar; Mayor Jerry Pesigian ng Castañeda, Nueva Viscaya, at Imelda Marcos ng Ilocos Sur. Kapag idinagdag pa natin dito ang iba pang sumabit sa kasong graft noong mga nakalipas taon, ay baka ‘di na magkasya sa espasyo.

Ang karamihan pa nga sa mga pulitikong ito ay ipinangangalandakan sa mga taong pumupunta sa kanilang mga pa-meeting sa iba’t ibang malalayung lugar sa bansa, na “fake news” daw ang mga balitang naglalabasan laban sa kanila. Anak ng pitong lintik! Ang nakaiinis dito ay ang ‘tila tinatangkilik naman sa sila ng mga kababayan nating nadadala sa buladas at mga mala-komedyang palabas!

Sa paglilibot ko nitong mga nakaraang gabi sa ilang lugar dito sa Metro Manila, ay ‘di ko na halos mabilang ang mga naraanan at hinintuan ko na mga pagtitipon na mala-“meeting de avance” na may mga kandidatong kumakanta, sumasayaw at nagpapatawa na animo performer ng mga “comedy bar” sa Quezon City.

At ang nakatawag ng aking pansin – karamihan, kung hindi man lahat, ang dumalo sa mga pagtitipong ito ay mga kababayan nating sinasabing nasa “laylayan ng lipunan”.

Ngunit kapansin-pansinat mabibilang lang sa daliri ang mga dumalo rito na nasa mataas na estado ang uri ng pamumuhay. Kalimitan kasi na dedma lang sila sa mga ganitong “political rally” – ngunit todo naman ang pagbatikos nila sa mga kababayan nating mahihirap, na pinararatangan pa ng mga ito na umano’y siyang nag-uupo o naghahalal sa mga pulitikong “mandarambong” sa kaban ng bayan.

Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) – hindi mga corrupt na pulitiko ang hanap ng mga Pinoy – na malaking kabaligtaran naman, kung ikukumpara natin sa resulta ng magkakasunod na survey rin ng SWS, na karamihan sa mga kandidatong nakapasok at nasa top 10 pa nga, ay mga pulitikong tadtad ng kasong pandarambong at mga matagal ding nakulong.

Marami pa rin sa mga kababayan natin ang inosente sa maruming laro ng pulitika sa bansa, kaya nararapat lang na magkapit-bisig tayong lahat – mahirap man o mayaman, bobo man o matalino - na alamin at pag-aralan ang pagkatao at tunay na saloobin ng mga tumatakbong pulitiko sa ating mga lugar.

Anumang impormasyon ang mapag-alaman hinggil sa mga pulitiko, kailangang ibahagi ito sa ating mga kababayan na nangangailangan ng wastong gabay, upang makapamili ang mga ito ng matino at karapat-dapat na mga kandidato.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.