INIHAYAG ni Pangulong Duterte nitong nakaraang Huwebes, Marso 14, ang listahan ng 46 na opisyal na umano’y sangkot sa lokal na kalakalan ng ilegal na droga. Kabilang dito ang 33 mayor, walong vice mayor, tatlong kongresista, isang provincial board member, at isang dating alkalde.
Labing-isang araw matapos isiwalat ang mga pangalan, paano ito nakaapekto sa mga nakalista, lalo na sa mga kumakandidato sa puwesto sa pamahalaan sa nakatakdang mid-term elections?
Itinanggi ng karamihan ng politikong nasa listahan ang kanilang pagkakasangkot sa kalakalan ng droga, ilan ang nagsabing politika lamang ang motibo kung bakit sila nasama sa listahan. Gayunman, kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang katiyakan nito. Sinabi ng isang tagapagsalita na 14 na buwan ang ginugol ng PDEAat iba pang miyembro ng Interagency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD), para imbestigahan, pag-aralan at tiyakin ang mga reklamo o akusasyon laban sa 46 na nasa listahan.
Nagpahayag ng pangamba ang PDEAna maaaring umalis ng bansa ang mga nasa listahan upang takasan ang prosekusyon. Walang makapipigil sa mga ito na umalis, ayon kay Secretary Menardo Guevarra ng Department of Justice (DOJ) lalo pa’t wala namang kaso ang nakasampa sa korte. “We can’t apply for a preventive hold-departure order since there are no complaints filed,” saad ng kalihim.
Isa sa mga mayor na nabanggit sa listahan ang umalis patungong Singapore kasama ng kanyang pamilya nitong Martes, ayon sa Bureau of Immigration, habang iginiit ng isang vice mayor na tinanggal na ang kanyang pangalan sa listahan.
Kasong administratibo ang isinampa ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman, na maaaring matapos ng imbestigasyon ay maglabas ng kautusan ng suspensyon o dismissal. Sinabi ng DOJ na hinihintay na lamang nito ang kopya ng mga reklamo at intelligence report, na susundan ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation, na maaaring humantong sa pagsasampa ng kaso sa korte.
Samakatuwid, sa usapang legal walang kaso laban sa mga opisyal na nasa narco-list ang maaaring humadlang sa kanilang kandidatura. Walang makakapigil sa mga ito na magpatuloy sa kanilang pangangampanya para sa Mayo 13 midterm elections. Ang kampanyang ito para sa mga lokal na opisyal ay magsisimula na sa Marso 29, apat na araw na lamang mula ngayon.
Malamang, na inilabas ni Pangulong Duterte ang narco-list para sa layuning paalalahanan ang mga botante sa nalalapit na halalan. Nitong nakaraang Miyerkules, inanunsiyo ng Social Weather Station ang resulta sa survey para sa katangiang hinahanap ng mga botante sa kanilang mga kandidato. Nanguna sa katangiang nais ng mga tumugon, base sa survey ang “hindi kurap.” Ito ang sagot ng 25 porsiyento ng mga tinanong. Sumunod sa katangian na kanilang nabanggit ang “may pakialam sa mga nangangailangan,” 20% at “tumutupad sa mga pangako,” 14%.
Umaasa ang Pangulo at iba pang opisyal na bagamat wala pang legal na kaso na makapagpapatigil sa mga pulitikong nasa listahan, tutugon ang mga botante sa kanyang panawagan para tanggihan ang mga sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga, kahit pa nga ang basehan lamang ay ang resulta ng 14 na buwang imbestigasyon ng PDEAat iba pang ahensiya ng gobyerno. Malalaman natin matapos ng halalan kung gaano kahalaga ang pag-asang ito.