SA nakalipas na ilang dekada, ang Laguna de Bay ay itinuturing na sanktuwaryo ng mga mangingisda sa Rizal at Laguna, lalo na ng mga nakatira malapit lawa. Ang dahilan: maraming nahuhuling isda sa pamamagitan ng iba’t ibang pamalakaya. Sa pangingisda, ang nahuhuling mga isda sa lawa ay kanduli, karpa, biya, ayungin, tilapia, at bangus.
May nahuhuli rin na mga bidbid, buwan-buwan, gurami at mga kambungayngay, at dulong. Sa ngayon, bihira na ang mga bidbid at buwan-buwan. Idagdag pa na nawala na rin ang mga talilong at tagan, na isang uri ng isda na katulad ng pating. Ang mga nabanggit na isda ay tangay ng tubig-alat na mula sa ilog-Pasig na labas-pasok naman sa Laguna de Bay. Wala pa ang Napindan Channel. Sa ngayon, ang nahuhuling mga isda sa Laguna de Bay ay kanduli, biya, ayungin, dalag, bangus, at tilapia. May nahuhuli ring big head at karpa.
Sa paniwala at karanasan ng mga mangingisda sa Laguna de Bay, ang tubig-alat ang nagpapalinaw ng tubig sa lawa. Namamatay ang mga water lily. Nagla-love making at nakapangingitlog at dumarami ang mga isda. Tumutubo rin sa mababaw na bahagi ng lawa ang mga halaman-dagat na mga Sintas at Digman Pinamumugaran at tinitigilan ng mga hipon na nahuhuli ng mga mananakag sa pamamagitan ng sakag, na uri ng panghuli ng mga hipon na hugis-Y na may nakakabit na pinong lambat.
Maayos ang pamumuhay noon ng mga mangingisda sa Laguna de Bay. Ang pamalakaya ng mga taga-Rizal ay pukot (trawl fishing), mga kitid, at pante. Ang nahuhuling mga isda ay kanduli, biya, dalag at mga ayungin. Ang mga pante at kitid ay gamit ng mga mangingisda na hindi sumasama sa pukot. Palibhasa’y sagana sa isda ang Laguna de Bay, maayos ang buhay ng mga mangingisda. Nakapagpaaral at napagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga anak. Maami ding may-ari ng pukot ang yumaman at gumanda ang buhay. Ngunit nang maging mahirap ang panghuhuli ng mga isda sa lawa at unti-unting nagsulputan ang mga fishpen, ipinagbili na ng ibang mangingisda ang kanilang mga lambat at bangka. Nag-iba ng hanapbuhay. Nagnegosyo ang marami at ang iba’y namasukan at nagtrabaho sa mga pabrika.
Sa pakikipag-usap ng inyong lingkod sa mga dating mangingisda sa Laguna de Bay, nabatid na ang pamumukot ay pangunahing hanapbuhay ng mga mangingisda sa Laguna de Bay. Sinasabing sa Angono, Rizal ang maraming may-ari ng pukot. Nabigyan ng hanapbuhay at natulungan ang mga mangingisdang walang kitid, pante at bangka. At palibhasa’y marami ring nakakahig na suso at nahuhuling hipon sa sakag, maraming taga-Rizal, lalo na ang mga nakatira at malapit sa Laguna de Bay, na nag-alaga ng mga itik. Maraming mag-iitik sa Rizal na gumanda ang buhay at napagtapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak. Ngunit nang maging mahirap na ang pagkahig ng suso sa lawa at pagsakag ng hipon, napilitan ang ibang nag-aalaga ng mga itik na ipagbili na ang kanilang mga alaga. Nag-iba na sila ng hanapbuhay.
Bukod sa mga nabanggit na naglahong hanapbuhay sa Laguna de Bay, ang iba pang gamit sa pangingisda katulad ng suklob, baklad, pante, at sakag ay ipinagbili na. Ang iba naman ay nagpatuloy sa pangingisda. May araw na maraming huli at may araw naman na kakaunti. Hindi naman nasisiraan ng loob ang mga mangingisda.
Sa ngayon, sa Angono, Rizal ay may mga mangingisda na ang gamit ay kitid at pante. Tuwing umaga sa punduhan ng mga mangingisda sa Laguna de Bay, sa bahaging sakop ng Barangay San Vicente, karaniwang tanawin ang dumarating na mga mangingisda at namimili ng isda.
Masaya ang mga mamimili sapagkat wala pang patong ang presyo.
Ang mga pukot ay ang naglahong hanapbuhay sa Laguna de Bay, partikular sa Angono, Rizal. Ngunit sa kabila ng pagkawala na ng mga pukot, ang pangingisda sa pamamagitan ng kitid at pante ay hindi naglalaho. At sa bahagi naman ng Binangonan at Cardona, Rizal partikular sa Talim Island, ang hanapbuhay ng mga mangingisda ay ang pagkakaroon ng mga fish cage at fish pen.
-Clemen Bautista