Hinatulan ngayong Biyernes ng Sandiganbayan na makulong nang habambuhay si dating Maguindanao Gov. Datu Sajid Islam Uy Ampatuan kaugnay ng maanomalyang pagbili ng construction materials na aabot sa P38 milyon noong 2009.

AMPATUAN

Sa inilabas na kautusan ng 4th Division ng anti-graft court, 65 sa 75 na kasong kinakaharap ni Ampatuan ang kanilang dinesisyunan.

Ang life imprisonment o 40 taong pagkakakulong ay ipinataw kay Ampatuan matapos siyang mapatunayang nagkasala sa malversation.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Guilty din si Ampatuan sa graft kaya pinatawan siya ng 12-taong pagkakakulong bukod pa sa pinagmumulta ng P35,740,493.

Ipinakukulong din ito nang walong taon sa napatunayang falsification.

Si Ampatuan ay nahaharap sa kasong graft, malversation at 73 bilang ng falsification dahil sa pamemeke sa ibinayad na P38,129,117 sa Abo Lumberyard and Construction Supply mula Enero 1, 2008 hanggang Setyembre 30, 2009.

Natuklasan ng hukuman na “fictitious” at “non-existent” ang nasabing kumpanya.

Ayon sa korte, walang binili si Ampatuan na construction materials para sana sa pagpapatayo ng paaralan, ngunit nakapagpalabas ito ng pondo.

Gayunman, binanggit ng hukuman sa kanilang desisyon na binibigyan pa rin nila ng panahon si Ampatuan hanggang Lunes (Marso 25) upang makapagpiyansa ng P1.58 milyon.

-Czarina Nicole O. Ong