Ilang araw bago ipagdiwang ang kanyang 74th birthday, inamin ni Pangulong Duterte na napapagod na siya at gustung-gusto niyang “makapagpahinga na”.
Tinalakay ang tungkol sa pagreretiro niya sa serbisyo, sinabi ni Duterte na handa siyang itodo ang laban niya sa mga sangkot sa ilegal na droga.
“Ako matanda na. Ngayong buwan na ito mag-74 na ako. P***** i** mo kasing pagod na ako sa inyo,” sinabi ng Presidente sa PDP-Laban campaign rally sa Marikina City nitong Miyerkules ng gabi.
“Naghahanap lang ako ng lusot. Ke magbarilan tayo o kaya— p***** i** ‘wag ninyo akong… Naghahanap lang ako talaga ng lusot na para makapagpahinga na. Pagod na rin ako kaya do not f*** with me,” mensahe niya sa mga sangkot sa droga.
Sa Marso 28 ipagdiriwang ng Pangulo ang kanyang ika-74 na kaarawan.
Sa kanyang speech, muli niyang inulit ang banta niyang papatayin ang mga sangkot sa bentahan ng ilegal na droga, kahit pa opisyal ang mga ito ng pamahalaan o halal ng bayan.
“If you destroy my country and you force my children to eat drugs, t*** i** I will kill you,” ani Duterte. “Ke ma-police general ka, ke ma-mayor ka, ke ma-gobernador ka, congressman ka, yayariin kita sa totoo lang.”
Sinabi rin niyang wala siyang pakiralam sakaling idemanda siya ng mga human rights groups.
“Go ahead idemanda ninyo si Duterte,” aniya.
Genalyn D. Kabiling