Inaresto ng mga pulis ang isang lalaking Turkish na suspek sa pamamaril at pagpatay ng tatlong katao at pagkakasugat sa limang iba pa, sa tram sa Utrecht, Netherlands nitong Lunes (Martes sa Pilipinas).
Kinumpirma ng pulisya ang pag-aresto kay Gokmen Tanis, 37, matapos ang ilang oras na manhunt.
Isinailalim sa lockdown ang siyudad kasunod ng tinawag ng mga awtoridad na terrorist attack. Nagkasa ng kabi-kabilang raid ang mga pulis sa ilang lugar makaraang ilabas ng mga awtoridad ang litrato ni Tanis at bigyang babala ang publiko na iwasan ito.
Habang isinusulat ang balitang ito, hindi pa rin malinaw ang motibo ni Tanis, bagamat lumitaw ang anggulo ng away pamilya.
Ayon sa ulat ng state-run Anadolu news agency ng Turkey, batay sa panayam sa mga kaanak ni Tanis, binaril ng huli ang isang babaeng kamag-anak na nasa tram at pinaputukan ang iba pa na nagtangkang tulungan ito.
Sinabi ng Turkish intelligence agency na nag-iimbestiga na ito kung personal nga ang motibo ni Tanis, o kung isa itong terorista, ayon kay Turkey President Tayyip Erdogan.
Kinumpirma naman ng alkalde ng Utrecht na si Jan van Zanen na tatlong katao ang napatay ni Tanis, at lima ang nasugatan—tatlo sa mga ito ay kritikal.
Reuters