Siyam na lugar sa Mindanao ang isinailalim sa Signal No. 1 bunsod ng pananalasa ng bagyong ‘Chedeng’.
Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kabilang sa mga ito ang Davao Oriental, Compostela Valley, Davao del Sur, Davao City, Davao Occidental, southern part ng Davao del Norte, Samal Island eastern part ng North Cotabato, at eastern part ng Sarangani.
Sinabi ng PAGASA, ang mga tinukoy na lugar ay makararanas ng lakas ng hanging 30 kilometers per hour (kph) hanggang 60 kph, bukod pa ang pabugso-bugsong pag-ulan.
Bukod dito, makararanas naman ng malawakang pag-ulan ang Surigao del Sur, Agusan del Sur, Davao Oriental, Compostela Valley, at Davao del Norte.
Dahil na rin sa pagbagal ng kilos ng bagyo, inaasahan ng ahensiya na bukas pa ito tatama sa Davao Oriental.
Huling namataan ang bagyo sa layong 650 kilometers east ng Davao City, taglay ang lakas ng hanging 45 kph at bugsong hanggang 60 kph. Kumikilos din ito pa-kanluran sa bilis na 15 kph.
-Ellalyn De Vera-Ruiz