NASA balag ng alanganin ngayon ang beteranong actor na si Gabby Concepcion (tunay na pangalan ay Gabriel Arellano Concepcion) matapos na ireklamo ng kanyang kapatid ng umano’y pamemeke ng dokumento.

GABBY

Nagtungo ngayong araw sa tanggapan ng mga mamamahayag sa Metro East Rizal Press Organization (MERPO) sa Pasig City si Miguel Concepcion, nakababatang kapatid ni Gabby, kasama ang kanyang abogadong si Atty. Tyrone Cimafranca, at inihayag ang naturang reklamo laban sa aktor.

Ayon kay Miguel, naghain na sila ng kasong falsification of public documents laban sa kanyang kuya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-National Capital Region (NCR), ngunit plano pa rin nilang maghain ng kaso sa San Juan Regional Trial Court (RTC).

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso sa umano’y ‘fraudulent purchase’ ng aktor ng 890 square meters na lote sa San Juan City, na pagmamay-ari ng kanilang ina na si Ma. Lourdes Arellano Concepcion at kasalukuyang nirerentahan ng isang paaralan.

Ayon kay Atty. Cimafranca, hindi maaring ipagbili ng ginang ang lupa sa P. Guevarra Street, sa Barangay Addition Hills, sa halagang P4.45 milyon dahil nasa Estados Unidos ito nang i-notaryo ang deed of sale.

"His (Gabby) mother was in the US and could not have signed the documents nor appeared in front of the notary public as stated in the acknowledgement page submitted to the Land Registration Authority (LRA)," ani Cimafranca, sa panayam.

Aniya, nang magtungo sila sa tanggapan ng CIDG-NCR ay nagsumite na rin sila ng pasaporte ng ginang na nagpapakita kung kailan siya umalis sa bansa at dumating sa Estados Unidos.

Ipinunto rin ng abogado na bagamat ang mga signatories sa pagbebenta ng lupa ay taga-San Juan, isinagawa naman ang pagno-notaryo dito sa Tagaytay City at ang nag-notaryo sa dokumento ay hindi nakalista sa registry of attorneys ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Ayon naman kay Miguel, nalaman lamang niya ang naganap na paglilipat ng pangalan ng lupa kay Gabby nang bumalik siya sa bansa, may dalawang buwan na ang nakararaan, matapos siyang magretiro sa kanyang trabaho sa Amerika.

Ilang ulit na rin niya umanong sinabihan si Gabby na makipag-usap sa kanya hinggil sa isyu ngunit binabalewala lamang siya nito.

"So I'm resorting into this action to correct what is wrong," ani Miguel.

Nabatid na si Gabby ang pangalawang anak ni Gng. Concepcion, habang si Miguel naman ang bunso sa anim.

Sa kasalukuyan ay nangangalap na ang mga tauhan ng CIDG-NCR ng mga dokumento bago nila imbitahan sa kanilang tanggapan ang aktor kaugnay ng reklamo.

-Mary Ann Santiago