SA lahat ng demokratikong bansa sa buong mundo, ang debate ay isang inaasam na plataporma ng diskusyon para sa maseselang usaping mahalaga sa publiko. Sa eleksyon, isa itong mabisang instrumento para masukat ang talino, lalim at pag-unawa ng mga kandidato sa masalimuot na mga isyu. Sa pamamagitan nito, maipamamalas ng mga nais maging mambabatas ang kanilang galing sa paghimay ng mga usapin at pagbabalangkas ng mga panukalang lehislatibo.
Gayunman, ‘tila hindi gaanong pinahahalagahan ng maraming Pilipino ang debate. Kamakailan, nagpahayag ng pagkadismaya ang mga kandidato ng oposisyon sa pagka-senador sa pagwalang-bahala ng kanilang mga katunggali sa panukala nilang bukas na debate, upang makilala ng madla ang potensiyal ng mga nais maging senador.
Sa totoo, hindi estriktong sinusunod sa mga debateng panghalalan ang dapat na mga panuntunan nito. Sa ilalim ng mga kaganapang umiiral, ang pag-aatubiling lumahok sa debate laban sa mga kandidatong kilala sa kanilang galing sa pagsasalita ay mauunawaan at maasahan, lalo na kung kapos sa husay sa debate ang mga hinahamon at limitado ang kaalaman nila sa paghimay ng mga isyu. Ang malala pa nito, maaaring lumikha ng kumplikasyon sa pagdedebate ang kakapusan ng husay sa pagtatalumpati.
Ang kahalagahan ng debate sa harap ng mga botante, na nakatutok sa pagtalakay ng mga plataporma at adyendang pulitikal ay pinakamainam na paraan para suriin ang mensahe sa publiko ng mga kandidato na masusukat sa kanilang mga argumento. Ang tiyak: Hindi matalinong paraan sa pagpili ng mga iboboto ang popularidad, matunog na pangalan, at pagiging artistahin ng hitsura. Higit na mabisang sukatan ang integridad, dunong, katapatan sa matuwid na prinsipyo at may tunay na interes para sa kapakanan ng taumbayan.
Maaaring may kinalaman sa mga ‘survey ranking’ at pag-unawa nito ang pakikilahok sa mga debate. Ang mga kandidatong matibay na ang puwesto sa mga survey, kahit na alam ng lahat na bobo sila, ay hindi nanaising mapahiya sa debate.
Nakalulungkot na naging salaula na ang sistema ng pulitika sa ating bansa, kung saan nahahalal ang mga kandidato sa bisa ng mga maling dahilan, kasama na ang kinaaaniban nilang dinastiya. Noon, lantarang hinahamon ng mga kandidato ang kanilang mga katunggali sa mga pampublikong debate para maunawaan ng bayan ang kanilang mga plataporma. Iyon ang mga panahon sa senado nina Jovito Salonga, Jose Diokno, Raul Manglapus, Lorenzo Tañada, Ferdinand Marcos, Emmanuel Pelaez at Benigno Aquino Jr.
Ngayon, ang pagpili sa tunay na karapat-dapat na mga lider-pulitiko ay nakaduyan sa pinagdedebatehang debateng bitin.
-Johnny Dayang