PALPAK na naman si Presidential Spokesman Salvador Panelo hinggil sa isyu ng pananatili sa Pilipinas ng mga illegal Chinese worker. Itinanggi ng Chinese Embassy sa Maynila na gaganti ang China o magsasagawa ng tinatawag na “tit-for-tat approach” kapag ang mga kababayan nilang umano’y nagtatrabaho nang ilegal sa ‘Pinas ay ipatatapon ng gobyernong Pilipino.

Noong Martes, sinabi ni Panelo na ipinaalam sa kanya ni Chinese Ambassador Zhao Jinhua sa isang hapunan na palalayasin din ng China ang mga Pinoy na nagtatrabaho roon bilang ganti sa deportasyon ng libu-libong Chinese na illegal na nagtatrabaho sa ating bansa. Sabi pa ni Panelo sa mga reporter: “That’s a tit-for-tat.”

Marahil kaya nasabi ito ni Panelo ay bilang pagsunod sa linya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na hindi niya basta-basta maiuutos ang deportasyon ng illegal Chinese workers sa bansa sapagkat libu-libo ring Pilipino ang baka palayasin ng Chinese government.

Ang hindi siguro naisip nina PRRD at Panelo ay may immigration laws ang bawat bansa, kabilang ang Pilipinas, na dapat sundin ng sinumang tao o dayuhan na magtatrabaho. Kailangan ang work permit para makapagtrabaho nang legal.

Samakatuwid, kung walang permit ang mga Chinese, lumalabag sila sa batas at makatwiran lang na sila ay palayasin.

‘Di ba ganito rin ang malimit sabihin ni PRRD tungkol naman sa isyu ng West Philippine Sea. Kahit inookupa ng China ang mga reef at shoal na saklaw ng teritoryo ng bansa, ayaw man lang niyang magprotesta dahil hindi raw kaya ng Pilipinas na makipaggiyera sa dambuhalang China.

Eh, sino ba ang gustong makipagdigmaan? Ang nais lang ng taumbayan ay sabihan ang China na mali ang kanilang ginagawang pag-okupa. Pero ni kahit katiting na protesta ay wala.

oOo

Pito sa 10 Pilipino ay naniniwalang sangkot ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa extrajudicial killings (EJKs) at sa illegal drug trade. Batay sa Social Weather Stations (SWS) survey, naniniwala ang mga Pinoy na mga pulis din ang “nagtatanim” ng mga ebidensiya (droga at baril) sa drug suspects.

Sa survey noong Disyembre 16-19, 2018, lumalabas na 68% ng respondents ang naniniwala na sangkot ang mga pulis sa illegal drug trade samantalang 26% ang undecided. May 5% lang ang naniniwala sa mga pulis.

Sa Metro Manila, 75% ang naniniwala na sangkot ang mga pulis; 68% sa Balance Luzon; 67% sa Mindanao; at 66% sa Visayas. May 68% ang naniniwala na mga pulis ang nasa likod ng EJKs ng drug suspects; 28% ang undecided; at 5% lang ang bilib sa pulis. Karamihan sa mga tinanong ay hindi naniniwalang “nanlaban” ang mga pinatay na drug suspects.

oOo

Nais ng mga kandidato ng OTSO DIRETSO (OD) na makadebate ang mga kandidato ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) para malaman ng publiko ang ipinakikipaglaban at plataporma-de-gobyerno ng bawat kampo. Hiniling nila sa Comelec na mag-organisa ng isang public debate upang maliwanagan ang mga botante sa mga posisyon ng mga kandidato sa iba’t ibang isyu para sa kagalingan at kabutihan ng bayan.

Lima sa Otso Diretso senatorial bets – sina Magdalo Rep. Gary Alejano, ex-Solicitor General Florin Hilbay, veteran lawyer Romulo Macalintal, Marawi civic leader Samira Gutoc, at ex-Quezon Rep. Erin Tanada—ang nagtungo sa tanggapan ng Comelec para mag-file ng kahilingan na mag-organisa ng debate ang OD at ang HNP ni Davao City Mayor Sara Duterte.

-Bert de Guzman