BAGAMAT iniidolo niya si ex-Pres. Ferdinand E. Marcos na pinatalsik ng Edsa People Power Revolution noong Pebrero 25,1986, hinikayat pa rin ni President Rodrigo Roa Duterte ang mga Pilipino, lalo na ang mga milenyal o kabataan, na namnamin at pahalagahan ang kalayaan at pagbabalik ng demokrasya na natamo ng bansa matapos ang maraming taon ng diktadurya sa ilalim ng martial law.
Hindi nakadalo si PRRD sa ika-33anibersaryo ng EDSA One dahil may mga mahahalaga siyang appointment nitong Pebrero 25. Sa kanyang mensahe, sinabi niyang umaasa siya na lahat ng Pilipino ay makahuhugot ng inspirasyon sa okasyong ito na nagpatumba sa isang diktador na sumupil sa kalayaan, nagkadena sa demokrasya at ginawang busabos ang bansa.
Tinawagan niya ang mga milenyal na pahalagahan ang Edsa People Power Revolution na nagbigay-laya sa panunupil ng diktador na hawak sa leeg ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng noon ay Philippine Constabulary-Integrated National Police (PC-INP). Pinamunuan nina dating Defense Minister Juan Ponce Enrile at ex-AFP Vice Chief of Staff at PC-INP Chief Fidel V. Ramos ang pagkalas sa Marcos regime.
Sa unang pagkakataon, hindi nakadalo si ex-Pres. Fidel V. Ramos sa ika-33 anibersaryo ng Edsa One. Hindi nasaksihan ng sambayanang Pilipino ang pamosong paglundag ni FVR na kanyang ginagawa tuwing selebrasyon ng Edsa Revolt.
Ayon sa mga report, medyo may sakit ang dating Pangulo. Si FVR ay magiging 91-anyos na sa susunod na buwan (Marso). Nasa bahay lang daw si FVR dahil kumikirot ang gout. Si Mr. Tabako ay isa lang din ang bato o kidney kung kaya lagi siyang nag-e-exercise at isang health buff.
oOo
Siyanga pala, salungat ang mga senador, kabilang ang sumusuporta sa Duterte administration, sa suhestiyon ng Pangulo na hayaan na lang manatili sa bansa ang mga Chinese na ilegal nagsisipagtrabaho rito. Maging ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay kontra sa mungkahi ni PRRD dahil kailangang kumuha ng work permit ng mga Chinese na nais magtrabaho sa Pilipinas. Badya nga ni Senate Pres. Tito Sotto: “Dura lex, sed lex” (Latin legal maxim) o kung tatagalugin ay “Malupit ang batas ngunit ito ang batas”. Dagdag pa ni Sotto na alyado ng Pangulo, “deportasyon ang resulta kapag ang mga batas natin ay nilabag ng mga dayuhan.
Ipinaliwanag ni PDu30 na hindi niya basta-basta maiuutos ang deportasyon ng mga Chinese na ilegal na nagtatrabaho sa bansa dahil baka gumanti ang China ni Pres. Xi Jinping. Ayon sa presidente, may 400,000 Pinoy ang nagtatrabaho sa China. Gayunman, sinabi ng mga senador at ng DOLE na nagtatrabaho ang mga Pilipino sa China bitbit ang work permit at hindi sila illegal aliens doon.
Sa pinakahuling ulat, nilinaw ng Malacañang na ipatutupad ng gobyerno ang immigration laws laban sa Chinese workers na walang permit. Ang reaksiyon ng Palasyo ay bunsod ng pahayag ng Trade Union Congress of the Philippines at ng iba pang grupo ng manggagawa, na dapat magtulungan sa pag-iimplementa ng batas tungkol sa foreign workers upang matiyak na ang mga Pinoy ay hindi nadedehado sa trabaho sa sariling bayan.
Bukod kay Sotto, kinontra rin nina Sens. Panfilo Lacson at Joel Villanueva ang suhestiyon ni Pres. Rody na payagan na lang ang illegal Chinese workers sa ‘Pinas upang hindi gantihan ang libu-libong Pilipino na nagtatrabaho roon. Pero, Mr. President, nasa China ang ating OFWs na dala-dala ang kanilang work permit hindi tulad ng mga Chinese dito sa atin na walang work permit.
-Bert de Guzman