Arestado ang isang doktor ng Department of Health (DoH) at anim na iba pa sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Mandaluyong City Police sa isang condo unit sa lungsod, ngayong Huwebes.

(kuha ni Mark Balmores)

(kuha ni Mark Balmores)

Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), na pinamumunuan ni Police Chief Supt. Bernabe Balba, kinilala ang inaresto na sina Dr. Vanjoe Rufo De Guzman, 44, Medical Officer IV na nakatalaga sa DoH-National Capital Region (NCR) office, at sinasabing may-ari ng condo unit na nagsisilbing drug den; Keanu Andrea Flores, 21, umano'y varsity player; Francis Gerald Fajardo, 28, event organizer; Mohammad Abdullah Duga, 26; Michael Melegrito Tan, 27; Mohammad Arafa Morsy, 27; at Mark Adrianne Echauz, 25.

Ayon kay Mandaluyong City Police chief, Police Senior Supt. Moises Villaceran, Jr., ikinasa ng mga awtoridad ang buy-bust operation sa condo unit sa M. Domingo Street, kanto ng Guevarra St., sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Una rito, nakatanggap ng tip ang PDEA hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya agad itong nakipag-ugnayan sa Mandaluyong City Police para isagawa ang buy-bust operation, at naaresto ang mga suspek.

Nasamsam sa mga suspek ang anim na pakete ng hinihinalang shabu; isang malaking transparent plastic sachet ng umano’y shabu, na may timbang na 50 gramo at nagkakahalaga ng P340,000; isang plastic sachet na may umano’y shabu residue; limang botelya ng liquid substance na hinihinalang liquid ecstasy, na nagkakahalaga ng P30,000; drug paraphernalia; marked money; at cell phone.

Nakakulong ang mga suspek sa PDEA main office at kakasuhan sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Mary Ann Santiago at Jun Fabon