Dear Manay Gina,

Ang problema ko ay tungkol sa mga taong umiiwas sa akin kapag nalaman na ako ay lesbian. ‘Di po ba, kapag magkaibigan ang dalawang tao, dapat ay tapat sila sa isa’t-isa? Sinasabi ko lamang ang totoo sa mga taong inaakala kong kaibigan. Pero bakit iniiwasan nila ako kapag nalaman nila na ako’y tomboy?

Hindi po ako sinungaling pero hindi ako ‘yung tipo na nais ipagsigawan sa mundo na ako ay lesbian. Palakaibigan naman po ako at gusto ko na matanggap sana ako ng tao.

--Brenda

Dear Brenda,

Dalawang bagay lamang—maaaring hindi ka masuwerte sa pagkakaroon ng tamang kaibigan o may nagagawa ka, na nakapagpapalala sa iyong problema.

Hindi mo agad mapipili kung sino ang pagtatapatan ng totoo. So, either be upfront about it, or be silent. Ibig sabihin, bigyan mo ng dalawang choices lamang ang mga taong kaharap mo. Ipakita mo nang walang pag-aalinlangan ang tunay mong pagkatao, o tumahimik ka tungkol sa ‘yong seksuwalidad.

Huwag mong masyadong pagtuunan ng atensiyon ang iyong sexual orientation. Sa halip, asikasuhin mo ang ibang aspeto ng iyong pagkatao upang ikaw ay maging kaakit-akit at kasiya-siya sa mata ng lahat. Mas palutangin mo ang iyong mabuting personalidad at makikita mo, sa pagdaan ng panahon, maging ang mga ipokrito ay tatanggapin ka, simply as the person you are, at magnanais na maging kaibigan mo.

Nagmamahal,

Manay Gina

”Courage is resistance to fear, mastery of fear - not absence of fear.”----- Mark Twain

-Gina de Venecia