MATUTUNGHAYAN ang kapana-panabik na aksiyon sa cliff diving sa isasagawang Red Bull Cliff Diving – pinakamalaking torneo sa naturang sports – para sa ika-11 season ng World Series sa Abril. 12-13 sa malaparaisong isla ng El Nido sa Palawan.
Isa ang Pilipinas sa tatlong pinakabagong venue na isinama ng organizers para sa buong taon ng kanilang global Tour. Bukod sa Pilipinas, bagong venue rin ang Dublin, Ireland sa Mayo 12 at Beirut, Lebanon sa Hulyo 14.
Nakatakda ring isagawa ang serye sa Polignanoa Mare sa Italy (Hunyo), São Miguel, Azores, Portugal (Hunyo 22), Mostar, Bosnia and Herzegovina (Agosto 24), at Bilbao, Spain (Setyembre 14).
Kabuuang 24 professional male and female cliff divers mula sa 18 bansa ang magpapamalas ng galing at husay at susubok sa mala-kristal na karagatan sa tagong lagoon ng Miniloc Island. Kabilang sa aabangan sina record champions Rhiannan Iffland ng Australia at Gary Hunt ng Great Britain.
Sa bawat leg, may apat na wildcard divers na bibigyan ng pagkakataon na mapasama sa main game.
Mula sa taas na 27 meters at bilis na hindi bababa sa 86km/h, kakailangan ng mga divers ang konsentrasyon. kontrrol at mental toughness na siyang gagamiting basehan ng mga hurado sa pagbibigay ng iskor.
Ang Miniloc Island ay isa sa tourist spot sa El Nido, Palawan. At bilang bahagi ng El Nido conservation awareness programa, magsasagawa rin ng educational at clean-up workshops sa isla, sa pangunguna ng Clean Cliffs Project (CCP).
“The grant to hold the event in a national park is not merely to draw more tourists, but to show the world our efforts to protect and preserve this paradise from the threats of mass tourism. I personally think the event can help convey to the world the need to protect paradise’s like ours though responsible tourism,” pahayag ni Carolyn Esmenda, Asst. Protection Area Management Board Superintendent (PAMB)
Sa mga tagahanga na hindi makakapunta sa El Nido, mapapanood ang torneo ng live sa pamamagitan ng Red Bull TV sa Abril 13. Mapapanood din ng mga Pinoy fans ang aksiyon, gayundin ang mga nakalipas na event ng 2019 World Series sa FOX Sports, FOX Sports GO, FOX+ app, at online http://www.foxsports.ph.