Nasa 51 porsiyento ng mga Pinoy adults ang “very happy” sa kanilang love life ngayong taon, mas mababa sa 57% na naitala noong 2017, ayon sa Social Weather Stations survey.
Sa nationwide survey na isinagawa nitong Disyembre 16-19, 2018 sa 1,440 respondents, natuklasan ng SWS na 51% ng mga Pinoy na edad 18 pataas ang masayang-masaya sa kanilang buhay pag-ibig, 36% ang nagsabing sana ay mas masaya sila, 13% ang nagsabing wala silang love life.
Noong 2017, 57% ang masayang-masaya sa kanilang love life, 29% ang hindi kuntento, at 14% ang walang love life.
Ang proportion ng mga Pinoy na kuntento sa kani-kanilang love life ay naitala sa 58% nang simulan ng SWS ang nasabing survey noong 2002.
Bumaba ito sa 46% noong 2004, at bumawi sa 50s levels simula 2010 hangang 2012, hanggang sa umabot pa sa pinakamataas na 59% noong 2011.
Naitala naman ang pinakamababa noong 2017, sa 29%.
Sa kabuuan, 53% ng kalalakihan at 50% ng kababaihan ang nagsabing masayang-masaya sila sa kanilang buhay pag-ibig.
Sa kalalakihan, pinakamarami sa mga kuntento ang mga may asawa, nasa 64%, kasunod ng may ka-live-in partner sa 44%, at 31% naman ang single.
Sa mga babae, mga may asawa rin ang pinakamarami sa 59%, kasunod ng mga may ka-live-in sa 56%, at 20% naman ang single.
Natuklasan din sa survey na 50% ng mga Pinoy adult ang naniniwalang hindi mahalaga ang age gap sa relasyon, habang 41% naman ang taliwas ang opinyon.
Ellalyn De Vera-Ruiz