Isang umano’y miyembro ng local terror na Abu Sayyaf, na sinasabing sangkot sa pambobomba sa Kidapawan City noong 2012 at kidnapping sa Basilan noong 2001, ang nalambat kamakailan ng pinagsamang puwersa ng pulisya at militar sa Ermita, Maynila.

NASAKOTE Iniharap ngayong Martes ni NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar sa media sa Camp Crame, Quezon City ang umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group na si Abdurahman Daiyung, makaraan itong maaresto sa Ermita, Maynila, nitong Linggo. ALVIN KASIBAN

NASAKOTE Iniharap ngayong Martes ni NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar sa media sa Camp Crame, Quezon City ang umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group na si Abdurahman Daiyung, makaraan itong maaresto sa Ermita, Maynila, nitong Linggo. ALVIN KASIBAN

Sa isang pulong-balitaan sa Camp Crame, Quezon City, kinilala ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde ang suspek na si Abdurahman Mataud Daiyuational, alyas "Biznar Salabudin" at "Abu Talha", na umano’y miyembro ng ASG sa ilalim ng napatay na lider na si Isnilon Hapilon.

Sa bisa ng arrest warrant, naaresto ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO), PNP-Intelligence Group (IG), at Philippine Navy si Daiyung sa bahay nito sa M. H Del Pilar Street corner Padre Faura, Ermita nitong Linggo ng umaga, Pebrero 10.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa PNP chief, konektado si Daiyung sa pambobomba sa isang bus terminal sa Kidapawan City noong Oktubre 10, 2012, na ikinasawi ng pitong katao.

Inaakusahan din ito sa pitong hiwalay na kaso na may kinalaman sa kidnapping at serious illegal detention na may kaugnayan sa partisipasyon nito sa pagkidnap sa 15 empleyado ng Golden Harvest Plantation sa Barangay Tairan, Lantawan, Basilan noong Hunyo 11, 2001.

Sinabi naman ni NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar na nanggaling ang impormasyon sa kinaroroonan ng suspek kay Sudais Asmad, alyas "Sen", na miyembro ng Abu Sayyaf at una nang naaresto sa Binondo noong nakaraang taon.

Sa pagbabahagi pa ng impormasyon ni Eleazar, nagtatrabaho bilang welder si Daiyung na ilang buwan nang nasa Maynila, at kalimitang binibisita ang iba pang mga miyembro ng Abu Sayyaf sa iba’t ibang bahagi ng Maynila.

"We don't have the figures. Probably mayroong supporters at symphatizers,” sabi ni Eleazar.

Gayunman, siniguro naman ng NCRPO chief na ligtas ang mga lansangan ng Maynila mula sa mga pag-atake lalo dahil walang namo-monitor na banta sa seguridad ang pulisya.

Martin A. Sadongdong