Kasabay ng pagsisimula bukas ng campaign period para sa mga kakandidatong senador sa Mayo 13, sinabihan ng Commission on Elections ang mga kandidato na simulan nang alisin ang kani-kanilang election propaganda na nagkalat sa mga lansangan.
Sa notice na ipinalabas ngayong Lunes ang Comelec sa lahat ng kandidato at partido, na nilagdaan ni Comelec Spokesperson James Jimenez, sinabing bago ang pagsisimula ng campaign period ay dapat na mabaklas na ng mga kandidato ang mga campaign materials na ikinabit nila.
“The Comelec reminds candidates to immediately remove all prohibited forms of election propaganda at least 72 hours before the start of the campaign period. Otherwise, said candidate or party will be presumed to have committed the pertinent election offense during said campaign period for national or local candidates, as the case may be,” nakasaad sa notice.
PINALUGITAN
Aminado naman si Jimenez na masyadong marami ang campaign paraphernalia kaya bibigyan pa, aniya, ng poll body ang mga kandidato ng hanggang tatlong araw para mabaklas ang lahat ng campaign materials ng mga ito na ikinabit bago pa ang simula ng kampanya.
Aniya, makalipas ang nasabing palugit ay sisimulan na ng Comelec ang pagdodokumento sa mga campaign materials na hindi nabaklas, at sila na ang magtatanggal sa mga ito.
“Kahit hindi ikaw ang nagkabit (ng campaign materials), responsibilidad mo ‘yan, dahil ikaw naman ang nakinabang,” mensahe ni Jimenez sa mga kandidato.
Nagbabala si Jimenez na itinuturing na election offense ang hindi pagbabaklas ng mga kandidato ng mga campaign materials.
Alinsunod sa calendar of activities ng Comelec, Pebrero 12 magsisimula ang campaign period para sa national candidates, habang sa Marso 9, naman ang mga local candidates.
Nabatid na kabilang sa ipinagbabawal na election propaganda ay ang mga nakapaskil sa labas ng common poster areas, mga nasa pampublikong lugar, at ang mga nasa pribadong lugar na walang permiso ng may-ari ng espasyo.
DIGONG, MANGANGAMPANYA
Kaugnay nito, inaasahan namang aktibong mangangampanya si Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang “presidential slate”, sa hangad na makinabang ang mga ito sa kanyang “Duterte magic”, dahil hindi naman ito ipinagbabawal ng batas.
“The President will be, as he said, he will endorse certain candidates of his choice so presumably he will be actively campaigning since he is not prohibited by law to do so,” sinabi ngayong Lunes ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
“The President, under the law, can campaign for or against candidate by reason of the provision under the law that officials by reason of their political offices can campaign. The rest all employees of government, AFP (Armed Forces), police cannot campaign for or against any candidate nor can they use any resource of the government,” paglilinaw niya.
Una nang nanawagan si Duterte sa kanyang Gabinete na huwag mangangampanya para sa kahit sinong kandidato ngayon eleksiyon, at umapela rin sa mga sundalo at pulis na maging neutral at huwag mamumulitika.
-Mary Ann Santiago at Genalyn D. Kabiling