NAUNGUSAN ng Mighty Sports ang Magnolia, 94-93, sa makapigil-hiningang tune-up match kahapon sa Ronac gym, sapat upang higit na maging determinado si coach Charles Tiu na maipagpag ang nalalabing kalawang sa laro ng apparel and accessories team sa 30th Dubai International Basketball Championship.

TIU: Ayaw magkumpiyansa

TIU: Ayaw magkumpiyansa

Sa kabila ng katotohanan na mas naibigan ni Tiu ang kabuuang performance ng Mighty Sports kumpara sa naunang 106-99 panalo sa Blackwater, inamin ni Tiu na kailangan nilang doblehin ang paghahanda upang mapulido ang dalawang aspeto ng laro --execution at defense.

“Team is slowly improving but I would not consider us ready yet,” pahayag ni Tiu, nakababatang kapatid ni dating PBA star Chris Tiu ng Rain or Shine. “We need to play real smart defensively and also need to improve our execution.”

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ngunit, may hatid na magandang balita sa koponan ang unti-unti nang pagbalik sa porma ni dating LA Lakers star Lamar Odom.

“Lamar looks better every day and our locals also look okay,” sambit ni Tiu.

Naging susi ang 6-foot-10 na si Odom sa krusyal na panalo ng Mighty Sports.

Kinalugdan ni Mighty Sports owner Alex Wongchuking ang kinalabasan ng dalawang tune-up game ng koponan, higit sa matikas na kampanya nina

Ginebra resident import Justin Brownlee at Chinese league veteran Randolp Morris.

“I’m hoping they can sustain their good form and help team advance to the semis,” sambit ni Wongchuking, kaakibat ng nakababatang kapatid na si Caesar sa pagmamantini ng koponan.

Target ng Mighty Sports na makabawi sa malamyang kampanya sa nakalipas na edisyon kung saan dalawa lamang sa pitong laro ang naipanalo ng koponan.

Bukod kay Brownlee at Morris, kasama rin sa koponan sina University of the Philippines star Juan Gomez de Liano at bagong recruit na si Jason Brickman.