Patay ang isang bata habang 200 pamilya ang nasunugan sa dalawang barangay sa Quezon City, ngayong Martes ng madaling araw.

Sa report ni Quezon City Fire Marshal Senior Supt. Jaime Ramirez, nilamon ng apoy ang 50 bahay ng 100 pamilya sa Riverside, Barangay Talayan, Quezon City, dakong 12:00 ng hatinggabi.
Sa imbestigasyon ni SFO2 Rolando Valena, nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Joel Canbel nang lumiyab ang gasera.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog at naapula dakong 2:00 ng madaling araw.
Walang nasaktan sa insidente at nasa P2 milyon ang natupok.
Samantala, natupok din ang 50 bahay ng 100 pamilya sa Litex Road, kanto ng IBP Road, Bgy. Commonwealth, Quezon City, dakong 4:00 ng madaling araw.
Patay sa insidente si Jaren Repangol, 7, nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Litex Road.
Ayon sa arson investigator ng Bureau of Fire Protection, na nakabase sa QC, sumabog ang LPG tank sa bahay ng isang Maricar Repangol at tuluyang kumalat sa katabing mga bahay.
Umabot din sa ikatlong alarma ang sunog at naapula sa ganap na 6:30 ng umaga.
Umabot sa P250,000 ang natupok sa lugar.
Jun Fabon