SASABAK sa promosyon ni Top Rank Inc. big boss Bob Arum si Philippine bantamweight titlist Giovanni Escaner na hahamunin si WBC Continental Americas bantamweight champion Joshua Greer Jr. sa Pebrero 15 sa Grand Casino, Hinckley, Minnesota sa United States.
Natamo ni Greer ang bakanteng WBC regional title nang mapatigil niya ang kababayang si dating WBO Latino bantamweight titlist Daniel Lozano sa 7th round noong nakaraang Disyembre 14 sa American Bank Center, Corpus Christi at ito ang una niyang depensa ng titulo.
Naging kampeon ng Pilipinas ang tubong Sultan Kudarat na si Escaner nang mapatigil niya sa 5th round si dating world rated super flyweight Rene Dacquel noong nakaraang Disyembre 22 sa Elorde Sports complex, Paranaque City.
May rekord si Greer na 19-1-1 win-loss-draw na may 11 panalo sa knockouts samantalang si Escaner ay may kartadang 19 panalo, 3 talo na may 12 pagwawagi sa knockouts.
Magsisilbing main undercard ang sagupaan nina Greer at Escaner sa pagdedepensa ni Rob Brant ng kanyang WBA middleweight crown kay Khasan Baysangurov ng Russia.
-Gilbert Espeña