GS Warriors, nakalusot sa Boston Celtics; Jokic, tumipa ng triple-double
BOSTON (AP) — Walang tulak-kabigin sa determinasyong ipinamalas ng Golden State Warriors at Boston Celtics.
Sa krusyal na sandali, kumatok ang suwerte sa Warriors para maitakas ang 115-111 panalo nitong Sabado (Linggo sa Manila) para sa ika-10 sunod na panalo at ikawalo sa road games.
Hataw si Kevin Durant sa naiskor na 33 puntos at siyam na rebounds, habang kumana si Stephen Curry ng 24 untos, kabilang ang dalawang free throw sa huling anim na segundo para selyuhan ang panalo.
Nag-ambag si Klay Thompson ng 21 puntos.
Nanguna si Kyrie Irving sa Boston sa naiskor na 32 puntos at 10 assists, habang tumipa si Al Horford ng 22 puntos at 13 rebounds sa Celtics, natuldukan ang five-game winning run at 10 straignt home game winning streak.
Dikitan ang laban na nagtampok sa 21 palitan ng bentahe, huli’y nakuha ng Warriors 113-111 may 47 segundo ang nalalabi mula sa free throw ni Thompson – tanging free throw shot sa laro – bago sumablay ang Boston sa tatlong pagkakataon na maitabla o maagaw ang kalamangan.
Nagmintis Draymond Green sa dalawang free throws, ngunit nagawang makuha ang rebound, at naibigay ang bola kay Curry para sa winning free throw.
BLAZERS 120, HAWKS 111
Sa Portland, Ore., ginapi ng Blazers, sa pangunguna ni CJ McCollum na may 28 puntos, 10 assists at 10 rebounds, ang Atlanta Hawks.
Hataw si Seth Curry, naglaro bilang starter kapalit ng ipinahingang si Damian Lillard, sa natipang 22 puntos.
Nanguna si Trae Young sa Hawks na may 30 puntos at walong assists.
NUGGETS 126, SIXERS 110
Sa Denver, naitala ni Nikola Jokic ang ikapitong triple-double ngayong season sa pagbabalik-aksiyon mula sa isang larong suspension, para sandigan ang Nuggets kontra Philadelphia 76ers.
Tumapos si Jokic na may 32 puntos, 18 rebounds at 10 assists.
Nanguna si JJ Redick sa Sixers na may 22 puntos.
Sa iba pang laro, ginapi ng Memphis Grizzlies, sa pangunguna ni Mike Conley na may 22 puntos at 11 assists, ang Indiana Pacers 106-103; habang nagwagi ang San Antonio Spurs sa New Orleans Pelicans, 126-114.