Nagsimula na ngayong Linggo ang paglilinis ng gobyerno sa Manila Bay, at iba’t ibang aktibidad ang inilunsad sa mga lugar na nakapaligid sa lawa at sa mga daluyan nito.
Para sa rehabilitasyon, na tinawag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na “Battle for Manila Bay”, nagsama-sama ang mahigit sa 5,000 katao, karamihan ay mga kawani ng DENR at 12 pang ahensiya ng pamahalaan na inatasan ng Korte Suprema noong 2008 na isailalim sa malawakang rehabilitasyon ang Manila Bay.
Sinimulan ang mga aktibidad sa isang solidarity walk mula sa Quirino Grandstand patungo sa baywalk area, saka pinangunahan ni Cimatu ang pledge of commitment, at idineklara ang opisyal na pagsisimula ng Manila Bay rehabilitation.
Nagpalabas din si Cimatu ng mga notice of violation at mga cease and desist order laban sa tatlong establisimyento na nasa Roxas Boulevard, CCP Complex, at Mall of Asia Complex, dahil nakumpirmang ang mga ito “discharge untreated water to esteros, rivers and other tributaries that flow into Manila Bay.”
Sa Metro Manila, nagsagawa ang volunteers ng tree-planting sa Marine Tree Park sa Navotas City, habang pinangunahan naman ng “bakawan warriors” ang paglilinis sa Las Piñas Paranaque Critical Habitat Ecotourism Area (LPPCHEA).
Sa Central Luzon, inilunsad ang rehabilitasyon sa Obando, Mariveles, at Guagua sa Bulacan, Bataan, at Pampanga provinces, ayon sa pagkakasunod.
Sa Region 4A (Calabarzon), iniladlad ang isang silt curtain sa paligid ng tulay sa Manila-Cavite Expressway o Cavitex, habang may clean-up activity din sa Talaba Dos sa Bacoor, Cavite.
Dagdag pa ni Cimatu, magsasagawa rin ng relokasyon sa mga illegal settlers at may monitoring kung nakatutupad ang mga establisimyento sa paligid ng Manila Bay sa Philippine Clean Water Act of 2004 at sa iba pang environmental laws.
Nakuha ng mga nakilahok sa clean-up drive ang nasa 45.59 tonelada, o 11 truck ng basura ngayong Linggo, ang unang araw ng Manila Bay rehab.
Ellalyn De Vera-Ruiz at Jel Santos