Nagpatuloy sa kanilang ratsada ang nakaraang UAAP season 80 runner-up De La Salle sa ginaganap na 2019 Philippine Baseball League, matapos nilang padapain ang Itakura Parts Philippines Corporation Nationals, 11-8, noong Sabado sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Dahil sa panalo, ang kanilang pang-4 sa torneo, nakopo ng Green Batters ang unang semifinals seat sa 7-team competition na inorganisa ng Philippine Amateur Baseball Association.

“At least, na-secure na namin yung Final Four. Ang importante is yung winning attitude nila at yung kumpyansa, makuha na nila bago pa mag-UAAP,” pahayag ni La Salle coach Joseph Orillana. “Every game should be like a championship to them bago pumasok ang season.”

“Sa game namin sa IPPC, we were able to jump on them, scoring seven runs. Importante yun against the national team dahil anything can happen,” dagdag ni Orillana. “Kaya hindi sila nataranta nung nagrurun yung kabila.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa kabuuan ay nagtala ang Green Batters ng 15 hits sa pangunguna ni reigning UAAP Athlete of the Year Kiko Gesmundo na may 3 kasunod sina Escano, Diego Lozano, at Boo Barandian na may tig-2.

Sa iba pang laban, naitala ng UP Fighting Maroons ang una nilang panalo matapos gapiin ang Adamson Soaring Falcons, 8-5.

Naputol ng nasabing panalo ang naitalang back-to-back wins ng Falcons.

Ginulat naman ng National University ang Ateneo Blue Eagles, 6-3.

Naiwan pa ng Blue Eagles, 0-3, rumatsada ang Billdogs at itinabla ang laban sa 3-all, bago humataw si Clairon Santos ng go-ahead 2-RBI triple sa seventh inning na nagresulta sa kanilang tagumpay.

-Marivic Awitan